Nang magkagayo'y pumasok si Haring David at umupo sa harap ng PANGINOON, at kanyang sinabi, “Sino ako, O Panginoong DIYOS, at ano ang aking sambahayan na ako'y iyong dinala sa ganito kalayo?
Ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, O Panginoong DIYOS; at ikaw ay nagsalita rin tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa matagal na panahong darating; at ipinakita mo sa akin ang hinaharap na salinlahi, O Panginoong DIYOS!
At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod, O Panginoong DIYOS.
Dahil sa iyong pangako at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito upang malaman ng iyong lingkod.
Kaya't ikaw ay dakila, O Panginoong DIYOS; sapagkat walang gaya mo, o may ibang Diyos pa bukod sa iyo, ayon sa lahat nang naririnig ng aming mga tainga.
Anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel? Mayroon bang ibang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang bayan, at gumawa para sa kanya ng isang pangalan, na gumagawa para sa kanila ng mga dakila at mga kakilakilabot na mga bagay, sa pamamagitan ng pagpapalayas sa harap ng iyong bayan ng mga bansa at ng kanilang mga diyos?
At itinatag mo sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging iyong bayan magpakailanman; at ikaw, PANGINOON, ay naging kanilang Diyos.
At ngayon, O PANGINOONG Diyos, pagtibayin mo magpakailanman ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita,
at ang iyong pangalan ay dadakilain magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang PANGINOON ng mga hukbo ay Diyos sa Israel’ at ang sambahayan ng iyong lingkod na si David ay matatatag sa harap mo.
Sapagkat ikaw, O PANGINOON ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel ang gumawa ng ganitong pahayag sa iyong lingkod, na sinasabi, ‘Ipagtatayo kita ng isang bahay’; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin ng ganito sa iyo.
At ngayon, O Panginoong DIYOS, ikaw ay Diyos at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod;
kaya't ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang ito'y magpatuloy magpakailanman sa harap mo. Sapagkat ikaw, O Panginoong DIYOS ay nagsalita, at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sambahayan ng iyong lingkod magpakailanman.”