Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 6:12-23

II SAMUEL 6:12-23 ABTAG01

Sinabi sa Haring David, “Pinagpala ng PANGINOON ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol para sa kanya, dahil sa kaban ng Diyos.” Humayo si David at iniahon ang kaban ng Diyos mula sa bahay ni Obed-edom patungo sa lunsod ni David na may kagalakan. Nang ang mga nagdadala ng kaban ng PANGINOON ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghandog ng isang dumalagang baka at isang pinatabang baka. Nagsayaw si David ng kanyang buong lakas sa harap ng PANGINOON; at si David ay may bigkis ng isang efod na lino. Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sambahayan ng Israel ang kaban ng PANGINOON na may sigawan at may tunog ng tambuli. Sa pagdating ng kaban ng PANGINOON sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay dumungaw sa bintana, at nakita si Haring David na naglululukso at nagsasayaw sa harap ng PANGINOON; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso. Kanilang ipinasok ang kaban ng PANGINOON, at inilagay sa kanyang lugar, sa loob ng tolda na itinayo ni David. Naghandog si David ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan sa harap ng PANGINOON. Nang makatapos si David sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng PANGINOON ng mga hukbo. Ang kanyang ipinamahagi sa buong bayan, sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalaki at sa mga babae, at sa bawat isa ay isang tinapay, isang karne, at isang tinapay na pasas. Pagkatapos nito, ang buong bayan ay umuwi sa kanya-kanyang bahay. Bumalik si David upang basbasan ang kanyang sambahayan. Subalit si Mical na anak ni Saul ay lumabas upang salubungin si David, at sinabi, “Niluwalhati ngayon ng hari ng Israel ang kanyang sarili, na siya'y naghubad ngayon sa paningin ng mga babaing alipin ng kanyang mga lingkod, gaya ng kahiyahiyang paghuhubad ng isang taong malaswa.” Sinabi ni David kay Mical, “Iyon ay sa harap ng PANGINOON na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at higit sa buong sambahayan niya, upang hirangin ako bilang pinuno ng Israel, ang bayan ng PANGINOON, kaya't ako'y magsasaya sa harap ng PANGINOON. Gagawin ko ang aking sarili na higit pang hamak kaysa rito, at ako'y magpapakababa sa iyong paningin; ngunit sa mga babaing lingkod na iyong binanggit, sa pamamagitan nila ako ay pararangalan.” At si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.