Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 5:6-25

II SAMUEL 5:6-25 ABTAG01

Ang hari at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na naninirahan sa lupain, na nagsabi kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kundi ang mga bulag at pilay ang hahadlang sa iyo,” na iniisip, “Si David ay hindi makakapasok dito.” Gayunma'y sinakop ni David ang kuta ng Zion na siyang lunsod ni David. Sinabi ni David nang araw na iyon, “Sinumang sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat siya sa inaagusan ng tubig upang salakayin ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David.” Kaya't kanilang sinasabi, “Ang mga bulag at pilay ay hindi makakapasok sa bahay.” Nanirahan si David sa kuta at tinawag itong lunsod ni David. At itinayo ni David ang lunsod sa palibot mula sa Milo hanggang sa loob. Si David ay dumakila ng dumakila, sapagkat ang PANGINOON, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama niya. Si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, ng mga puno ng sedro, mga karpintero, at mga kantero at ipinagtayo ng bahay si David. Nabatid ni David na itinalaga siya ng PANGINOON bilang hari ng Israel, at kanyang itinaas ang kanyang kaharian alang-alang sa kanyang bayang Israel. Kumuha pa si David ng mga asawang-lingkod at mga asawa sa Jerusalem, pagkagaling niya sa Hebron; at may mga ipinanganak pang mga lalaki at babae kay David. Ito ang mga pangalan ng mga ipinanganak sa kanya sa Jerusalem; sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, Ibhar, Elisua; Nefeg, Jafia; Elisama, Eliada, at si Elifelet. Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinalagang hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay umahon upang hanapin si David; ngunit ito ay nabalitaan ni David at siya'y pumunta sa kuta. Ang mga Filisteo ay dumating at kumalat sa libis ng Refaim. Sumangguni si David sa PANGINOON, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” Sinabi ng PANGINOON kay David, “Umahon ka sapagkat tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.” Dumating si David sa Baal-perazim at sila'y ginapi doon ni David. Kanyang sinabi, “Winasak ng PANGINOON ang aking mga kaaway sa harap ko, gaya ng umaapaw na baha.” Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Baal-perazim. Doon ay iniwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan, at tinangay ni David at ng kanyang mga tauhan ang mga iyon. Muling umahon ang mga Filisteo, at kumalat sa libis ng Refaim. Nang sumangguni si David sa PANGINOON ay kanyang sinabi, “Huwag kang aahon; liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasalakay sa kanila sa tapat ng mga puno ng balsamo. Kapag iyong narinig ang yabag ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, lumusob ka agad sapagkat lumabas na ang PANGINOON sa harap mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.” Gayon ang ginawa ni David gaya ng iniutos ng PANGINOON sa kanya; at tinalo niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer.