Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 2:8-32

II SAMUEL 2:8-32 ABTAG01

Samantala, kinuha ni Abner na anak ni Ner, na pinuno sa hukbo ni Saul, si Isboset na anak ni Saul, at dinala sa Mahanaim; at kanyang ginawa siyang hari sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin, at sa buong Israel. Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari sa Israel, at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon. Ngunit ang sambahayan ni Juda ay sumunod kay David. Si David ay naghari sa Hebron sa sambahayan ni Juda ng pitong taon at anim na buwan. Si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Isboset na anak ni Saul ay pumunta sa Gibeon mula sa Mahanaim. At si Joab na anak ni Zeruia, at ang mga lingkod ni David ay lumabas at sinalubong sila sa tabi ng tipunan ng tubig sa Gibeon; at sila'y umupo, na ang isa'y sa isang dako ng tipunan ng tubig, at ang isa'y sa kabilang dako ng tipunan ng tubig. Sinabi ni Abner kay Joab, “Patayuin mo ang mga kabataan at magpaligsahan sa harap natin.” At sinabi ni Joab, “Hayaan silang tumayo.” Kaya't sila'y tumindig at tumawid ayon sa bilang; labindalawa para kina Benjamin at Isboset na anak ni Saul, at labindalawa sa mga lingkod ni David. At hinawakan ng bawat isa sa kanila ang ulo ng kanyang kaaway, at ibinaon ang kanyang tabak sa tagiliran ng kanyang kaaway; kaya't sama-sama silang nabuwal. Kaya't ang lugar na iyon ay tinatawag na Helcatasurim na nasa Gibeon. At ang labanan ay naging matindi nang araw na iyon. Si Abner at ang mga lalaki ng Israel ay natalo sa harap ng mga lingkod ni David. At naroon ang tatlong anak ni Zeruia, sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay matulin ang paa na gaya ng mailap na usa; at hinabol ni Asahel si Abner at sa kanyang pagtakbo, siya'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner. Nang magkagayo'y lumingon si Abner, at sinabi, “Ikaw ba'y si Asahel?” At siya'y sumagot: “Ako nga.” Sinabi ni Abner sa kanya, “Lumiko ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at hulihin mo ang isa sa mga kabataan, at kunin mo ang kanyang samsam.” Ngunit ayaw ni Asahel na humiwalay sa pagsunod sa kanya. At muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Huminto ka sa pagsunod sa akin. Bakit ba kita ibubulagta sa lupa? Paano ko nga maitataas ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?” Ngunit tumanggi siyang lumihis kaya't inulos siya ni Abner sa tiyan sa pamamagitan ng dulo ng sibat, at ang sibat ay naglagos sa likod niya. Siya'y nabuwal at namatay sa kanyang kinaroroonan. Lahat nang dumating sa lugar na kinabuwalan at kinamatayan ni Asahel ay napahinto. Ngunit tinugis nina Joab at Abisai si Abner; at nang ang araw ay papalubog na sila'y dumating sa burol ng Ama, na nasa harap ng Gia sa tabi ng daan patungo sa ilang ng Gibeon. Ang mga anak ng Benjamin ay nagkatipon sa likuran ni Abner, at naging isang pulutong, at tumayo sa tuktok ng isang burol. Nang magkagayo'y tinawag ni Abner si Joab, at sinabi, “Mananakmal ba ang tabak magpakailanman? Nalalaman mo ba na ang katapusan ay magiging mapait? Hanggang kailan nga bago mo sasawayin ang bayan mula sa pagtugis sa kanilang mga kapatid?” At sinabi ni Joab, “Buháy ang Diyos, kung hindi mo sana sinabi, tiyak na hindi inihinto ng mga lalaki ang paghabol sa kanilang mga kapatid hanggang sa kinaumagahan.” Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta, at ang buong bayan ay tumigil at hindi na tinugis ang Israel, o sila man ay naglaban pa. Si Abner at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na dumaan sa Araba; at sila'y tumawid ng Jordan, at naglakad sa buong maghapon, at dumating sa Mahanaim. Bumalik si Joab mula sa pagtugis kay Abner; at nang kanyang matipon ang buong bayan, may nawawala sa mga lingkod ni David na labinsiyam na lalaki bukod pa kay Asahel. Ngunit ang napatay ng mga lingkod ni David sa Benjamin ay tatlong daan at animnapung lalaking mga tauhan ni Abner. At kanilang kinuha si Asahel at inilibing siya sa libingan ng kanyang ama na nasa Bethlehem. Si Joab at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na lumakad; dumating sila sa Hebron kinaumagahan.