II SAMUEL 18
18
Si Absalom ay Natalo at Pinatay
1Pagkatapos ay tinipon ni David ang mga tauhang kasama niya, at naglagay sa kanila ng mga pinuno sa mga libu-libo at pinuno ng mga daan-daan.
2Pinahayo ni David ang hukbo, ang isang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Itai na Geteo. At sinabi ng hari sa hukbo, “Ako man ay lalabas ding kasama ninyo.”
3Ngunit sinabi ng mga tao, “Hindi ka dapat lumabas, sapagkat kung kami man ay tumakas, hindi nila kami papansinin. Kung ang kalahati sa amin ay mamatay, hindi nila kami papansinin. Ngunit ang katumbas mo ay sampung libo sa amin; kaya't mas mabuti na ikaw ay magpadala ng tulong sa amin mula sa lunsod.”
4Sinabi ng hari sa kanila, “Kung ano ang inaakala ninyong mabuti ay aking gagawin.” At ang hari ay tumayo sa tabi ng pintuang-bayan, samantalang ang buong hukbo ay lumabas na daan-daan at libu-libo.
5At ang hari ay nag-utos kina Joab, Abisai, at Itai, “Pakitunguhan ninyong may kaawaan ang kabataang si Absalom, alang-alang sa akin.” At narinig ng buong bayan nang nagbilin ang hari sa lahat ng punong-kawal tungkol kay Absalom.
6Kaya't lumabas ang hukbo sa kaparangan laban sa Israel; at ang labanan ay naganap sa gubat ng Efraim.
7Ang hukbo ng Israel ay natalo doon ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na iyon na may dalawampung libong katao.
8Ang labanan ay kumalat sa ibabaw ng buong lupain; at ang gubat ay lumamon ng mas maraming tao sa araw na iyon kaysa sa tabak.
9Nakasagupa ni Absalom ang mga lingkod ni David. Si Absalom ay nakasakay sa kanyang mola, at ang mola ay nagdaan sa ilalim ng mayabong na mga sanga ng isang malaking ensina. Ang kanyang ulo ay nasabit sa ensina, at siya'y naiwang nakabitin sa pagitan ng langit at lupa, samantalang ang molang nasa ilalim niya ay nagpatuloy.
10Nakita siya ng isang lalaki at sinabi kay Joab, “Tingnan ninyo, nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang ensina.”
11Sinabi ni Joab sa lalaking nagsabi sa kanya, “Ano, nakita mo siya! Bakit hindi mo siya agad pinatay doon? Matutuwa sana akong bigyan ka ng sampung pirasong pilak at isang pamigkis.”
12Ngunit sinabi ng lalaki kay Joab, “Kahit maramdaman ko sa aking kamay ang bigat ng isang libong pirasong pilak, hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa anak ng hari; sapagkat sa aming pandinig ay ibinilin ng hari sa iyo, kay Abisai, at kay Itai, ‘Alang-alang sa akin ay ingatan ninyo ang kabataang si Absalom.’
13Sa ibang paraan, kung ako'y gumawa ng pagtataksil laban sa kanyang buhay (at walang bagay na maikukubli sa hari), ikaw man sa iyong sarili ay hindi mananagot.”
14Nang magkagayo'y sinabi ni Joab, “Hindi ako magsasayang ng panahon na gaya nito sa iyo.” At siya'y kumuha ng tatlong palaso sa kanyang kamay at itinusok sa puso ni Absalom, samantalang siya'y buháy pa sa gitna ng ensina.
15Sampung kabataang lalaki na tagadala ng sandata ni Joab ang pumalibot kay Absalom at kanilang pinatay siya.
16Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang hukbo ay bumalik mula sa pagtugis sa Israel; sapagkat pinigil sila ni Joab.
17Kanilang kinuha si Absalom at kanilang inihagis siya sa isang malaking hukay sa gubat, at tinabunan siya ng isang malaking bunton ng bato. At ang buong Israel ay tumakas, bawat isa sa kanyang tolda.
18Si Absalom noong nabubuhay pa ay kumuha at nagtayo para sa kanyang sarili ng haligi na nasa libis ng hari, sapagkat kanyang sinabi, “Wala akong anak na lalaki na mag-iingat ng alaala ng aking pangalan,” at kanyang tinawag ang haligi ayon sa kanyang sariling pangalan at ito ay tinawag na bantayog ni Absalom hanggang sa araw na ito.
Ibinalita kay David ang Pagkamatay ni Absalom
19Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “Patakbuhin mo ako ngayon upang magdala ng balita sa hari na iniligtas siya ng Panginoon sa kamay ng kanyang mga kaaway.”
20At sinabi ni Joab sa kanya, “Hindi ka magdadala ng balita sa araw na ito; magdadala ka ng balita sa ibang araw. Ngunit sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagkat ang anak ng hari ay patay na.”
21Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, “Humayo ka, sabihin mo sa hari kung ano ang iyong nakita.” At ang Cusita ay yumukod kay Joab at tumakbo.
22Sinabing muli ni Ahimaaz na anak ni Zadok kay Joab, “Anuman ang mangyari, hayaan mong tumakbo rin akong kasunod ng Cusita.” At sinabi ni Joab, “Bakit ka tatakbo, anak ko, gayong wala kang makukuhang gantimpala para sa balita?”
23“Kahit anong mangyari, ako ay tatakbo,” ang sabi niya. Kaya't sinabi niya sa kanya, “Tumakbo ka.” Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaaz sa daan ng kapatagan, at naunahan ang Cusita.
24Noon si David ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-bayan; at ang bantay ay umakyat sa bubong ng pintuang-bayan sa may pader, at nang tumanaw siya sa malayo, nakita niya ang isang lalaking tumatakbong nag-iisa.
25Sumigaw ang bantay at sinabi sa hari. At sinabi ng hari, “Kung siya'y nag-iisa, may balita sa kanyang bibig.” At siya'y nagpatuloy at lumapit.
26At ang bantay ay nakakita ng isa pang lalaki na tumatakbo at tinawag ng bantay ang bantay-pinto, at sinabi, “Tingnan ninyo, may isa pang lalaking tumatakbong nag-iisa.” At sinabi ng hari, “Siya'y may dala ring balita.”
27Sinabi ng bantay, “Sa palagay ko'y ang takbo ng nauuna ay gaya ng takbo ni Ahimaaz na anak ni Zadok.” At sinabi ng hari, “Siya'y mabuting tao at dumarating na may dalang mabuting balita.”
28Tumawag si Ahimaaz sa hari, “Lahat ay mabuti.” At siya'y nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari, at nagsabi, “Purihin ang Panginoon mong Diyos na nagbigay ng mga lalaking nagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoong hari.”
29At sinabi ng hari, “Ligtas ba ang kabataang si Absalom?” Sumagot si Ahimaaz, “Nang ako'y suguin ni Joab na iyong lingkod, ako'y nakakita ng isang malaking kaguluhan, ngunit hindi ko alam kung ano iyon.”
30Sinabi ng hari, “Tumabi ka at tumayo ka doon.” Siya nga'y tumabi at tumayong tahimik.
31At ang Cusita ay dumating; at sinabi ng Cusita, “Mabuting balita para sa aking panginoong hari! Sapagkat iniligtas ka ng Panginoon sa araw na ito mula sa kamay ng lahat ng naghimagsik laban sa iyo.”
32Sinabi ng hari sa Cusita, “Ligtas ba ang kabataang si Absalom?” At sumagot ang Cusita, “Ang mga kaaway ng aking panginoong hari, at ang lahat ng naghimagsik laban sa iyo upang gawan ka ng masama ay maging gaya nawa ng kabataang iyon.”
33 # 18:33 19:1 sa Hebreo. Nabagbag ang damdamin ng hari at umakyat siya sa silid na nasa ibabaw ng pintuang-bayan, at umiyak. Habang siya'y humahayo ay sinasabi niya, “O anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Ako na sana ang namatay sa halip na ikaw, O Absalom, anak ko, anak ko!”
Kasalukuyang Napili:
II SAMUEL 18: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001