II SAMUEL 13
13
Sina Amnon at Tamar
1Samantala, si Absalom na anak ni David ay mayroong isang kapatid na magandang babae na ang pangalan ay Tamar. At umibig sa kanya si Amnon na anak ni David.
2At si Amnon ay lubhang naligalig, kaya't siya'y gumawa ng paraan upang magkasakit dahil sa kanyang kapatid na si Tamar; sapagkat siya'y birhen at inaakala ni Amnon na napakahirap siyang gawan ng anumang bagay.
3Ngunit si Amnon ay may isang kaibigan na ang pangala'y Jonadab, na anak ni Shimeah na kapatid ni David. At si Jonadab ay isang taong napakatuso.
4Sinabi niya sa kanya, “O anak ng hari, bakit tuwing umaga ay mukhang may sakit ka? Hindi mo ba sasabihin sa akin?” At sinabi ni Amnon sa kanya, “Umiibig ako kay Tamar na kapatid ng kapatid kong si Absalom.”
5Sinabi ni Jonadab sa kanya, “Mahiga ka sa iyong higaan at magsakit-sakitan ka. Kapag dumating ang iyong ama upang tingnan ka, sabihin mo sa kanya, ‘Papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar at bigyan ako ng tinapay na makakain, at maghanda ng pagkain sa aking harapan na aking nakikita, at kainin iyon mula sa kanyang kamay.’”
6Kaya't nahiga si Amnon at nagsakit-sakitan. Nang dumating ang hari upang tingnan siya, sinabi ni Amnon sa hari, “Hinihiling ko sa iyo na papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar, at igawa ako ng dalawang maliit na tinapay sa aking harapan upang aking makain mula sa kanyang kamay.”
7Nang magkagayo'y ipinasundo ni David si Tamar na sinasabi, “Pumunta ka ngayon sa bahay ng iyong kapatid na si Amnon at ipaghanda mo siya ng pagkain.”
8Kaya't pumunta si Tamar sa bahay ng kanyang kapatid na si Amnon na doon ay nakahiga siya. Siya'y kumuha ng isang masa, minasa ito at ginawang mga tinapay sa kanyang harapan, at nilutong mga munting tinapay.
9Kinuha niya ang kawali at inalis ang laman sa harap ni Amnon#13:9 Sa Hebreo ay niya. ngunit ayaw niyang kumain. At sinabi ni Amnon, “Palabasin ang lahat ng tao sa harap ko.” Kaya't silang lahat ay lumabas sa harap niya.
10Sinabi ni Amnon kay Tamar, “Dalhin mo sa silid ang pagkain upang aking kainin mula sa iyong kamay.” At kinuha ni Tamar ang mga tinapay na kanyang ginawa at dinala sa silid kay Amnon na kanyang kapatid.
11Ngunit nang ilapit niya sa kanya upang kainin, kanyang hinawakan siya, at sinabi niya sa kanya, “Halika, sumiping ka sa akin, kapatid ko.”
12Sumagot siya, “Huwag, kapatid ko, huwag mo akong pilitin. Sapagkat ang ganyang bagay ay hindi ginagawa sa Israel. Huwag kang gumawa ng ganitong kalokohan.
13At tungkol sa akin, saan ko dadalhin ang aking hiya? At tungkol sa iyo, ikaw ay magiging gaya ng isa sa mga hangal sa Israel. Ngayon nga, hinihiling ko sa iyo, makipag-usap ka sa hari, sapagkat hindi niya ako ipagkakait sa iyo.”
14Gayunma'y hindi siya nakinig kay Tamar. Palibhasa'y mas malakas kaysa babae, kanyang pinilit ito na sumiping sa kanya.
15Pagkatapos ay kinapootan siya nang matindi ni Amnon at ang poot na kanyang ikinapoot sa kanya ay mas matindi kaysa pag-ibig na iniukol niya sa kanya. At sinabi ni Amnon sa kanya, “Bangon, umalis ka na.”
16Ngunit sinabi niya sa kanya, “Huwag, kapatid ko, sapagkat itong kasamaan sa pagpapaalis mo sa akin ay higit pa kaysa ginawa mo sa akin.” Ngunit ayaw niyang makinig sa kanya.
17Tinawag niya ang kabataang naglingkod sa kanya at sinabi, “Ilabas mo ang babaing ito at ikandado mo ang pintuan paglabas niya.”
18Siya'y may suot na mahabang damit na may manggas; sapagkat gayon ang damit na isinusuot ng mga birheng anak na babae ng hari. Kaya't inilabas siya ng kanyang lingkod at ikinandado ang pintuan pagkalabas niya.
19Naglagay si Tamar ng mga abo sa kanyang ulo, at pinunit ang mahabang damit na suot niya. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa kanyang ulo at umalis na umiiyak nang malakas sa daan.
20At sinabi sa kanya ni Absalom na kanyang kapatid, “Nakasama mo ba ang kapatid mong si Amnon? Ngayo'y tumahimik ka, kapatid ko. Siya'y iyong kapatid; huwag mong damdamin ang bagay na ito.” Kaya't si Tamar ay nanatili na isang babaing malungkot sa bahay ng kanyang kapatid na si Absalom.
21Ngunit nang mabalitaan ni Haring David ang lahat ng mga bagay na ito, siya'y galit na galit.
22Ngunit si Absalom ay hindi nagsalita ng mabuti o masama kay Amnon, sapagkat kinapopootan ni Absalom si Amnon dahil hinalay niya ang kanyang kapatid na si Tamar.
Naghiganti si Absalom
23Pagkalipas ng dalawang buong taon, si Absalom ay mayroong mga tagagupit ng tupa sa Baal-hazor na malapit sa Efraim at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak na lalaki ng hari.
24Pumunta si Absalom sa hari, at sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay may mga tagagupit ng mga tupa. Hinihiling ko sa iyo na ang hari at ang kanyang mga lingkod ay sumama sa iyong lingkod.”
25Ngunit sinabi ng hari kay Absalom, “Huwag, anak ko. Huwag mo kaming papuntahing lahat, baka maging pabigat kami sa iyo.” Kanyang pinilit siya, subalit hindi siya sumama, ngunit ibinigay niya ang kanyang basbas.
26Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, “Kung hindi, hinihiling ko sa iyo na pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon.” At sinabi ng hari sa kanya, “Bakit siya sasama sa iyo?”
27Ngunit pinilit siya ni Absalom, kaya't kanyang pinasama sa kanya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari.
28Iniutos ni Absalom sa kanyang mga lingkod, “Tandaan ninyo ngayon, kapag ang puso ni Amnon ay masaya na dahil sa alak, at kapag sinabi ko sa inyo, ‘Saktan ninyo si Amnon,’ ay patayin nga ninyo siya. Huwag kayong matakot; hindi ba ako ang nag-uutos sa inyo? Kayo'y magpakalakas at magpakatapang.”
29Ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y tumindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay ang bawat lalaki sa kanyang mola at tumakas.
30Samantalang sila'y nasa daan, may balitang nakarating kay David na sinasabing, “Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabing isa man sa kanila.”
31Nang magkagayo'y tumindig ang hari at pinunit ang kanyang mga suot, at humiga sa lupa; at ang lahat niyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya ay pinunit ang kanilang mga damit.
32Ngunit si Jonadab na anak ni Shimeah na kapatid ni David ay sumagot at nagsabi, “Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagkat si Amnon lamang ang pinatay. Sapagkat sa utos ni Absalom, ito ay itinakda na, mula nang araw na kanyang halayin ang kanyang kapatid na si Tamar.
33Ngayon nga'y huwag itong damdamin ng aking panginoong hari na akalaing ang lahat ng mga anak ng hari ay patay na; sapagkat si Amnon lamang ang patay.”
Si Absalom ay Tumakas sa Geshur
34Ngunit si Absalom ay tumakas. Nang ang kabataang nagbabantay ay nagtaas ng kanyang mga mata, at tumingin at nakita niya ang maraming taong dumarating mula sa daang Horonaim sa gilid ng bundok.
35Sinabi ni Jonadab sa hari, “Ang mga anak ng hari ay dumating na; ayon sa sinabi ng inyong lingkod, ay gayon nga.”
36Pagkatapos niyang makapagsalita, ang mga anak ng hari ay nagdatingan, at inilakas ang kanilang tinig at umiyak; ang hari at ang lahat niyang mga lingkod ay mapait na umiyak.
37Ngunit#2 Sam. 3:3 tumakas si Absalom at pumunta kay Talmai na anak ni Amihud na hari ng Geshur. At tinangisan ni David ang kanyang anak na lalaki araw-araw.
38Kaya't tumakas si Absalom at pumunta sa Geshur at nanirahan doon sa loob ng tatlong taon.
39Si Haring David ay nanabik na puntahan si Absalom, sapagkat siya'y naaliw na tungkol kay Amnon, yamang siya ay patay na.
Kasalukuyang Napili:
II SAMUEL 13: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001