Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 12:19-25

II SAMUEL 12:19-25 ABTAG01

Ngunit nang makita ni David na ang kanyang mga lingkod ay nagbubulung-bulungan, nahiwatigan ni David na ang bata ay patay na. Kaya't itinanong ni David sa kanyang mga lingkod, “Patay na ba ang bata?” At kanilang sinabi, “Siya'y patay na.” Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, nagbuhos at nagbihis ng kanyang damit; at siya'y pumunta sa bahay ng PANGINOON at sumamba. Pagkatapos ay pumunta siya sa kanyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, kanilang hinainan siya ng pagkain at siya'y kumain. Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Anong bagay ito na iyong ginawa? Ikaw ay nag-ayuno at umiyak dahil sa bata nang siya'y buháy pa; ngunit nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.” At kanyang sinabi, “Nang ang bata'y buháy pa, ako'y nag-ayuno at umiyak, sapagkat aking sinabi, ‘Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang PANGINOON, upang ang bata'y mabuhay?’ Ngunit ngayo'y patay na siya; bakit pa ako mag-aayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y pupunta sa kanya, ngunit siya'y hindi babalik sa akin.” At inaliw ni David si Batseba na kanyang asawa, lumapit siya sa kanya, at sumiping sa kanya. Siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Solomon. Minahal siya ng PANGINOON; at nagpadala ng mensahe sa pamamagitan ni Natan na propeta; kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Jedidiah, dahil sa PANGINOON.