Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 11:1-27

II SAMUEL 11:1-27 ABTAG01

Sa tagsibol ng taon, ang panahon na ang mga hari ay lumalabas upang makipaglaban, sinugo ni David si Joab at ang kanyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel. Kanilang sinalanta ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem. Isang dapit-hapon, nang si David ay bumangon sa kanyang higaan at naglalakad sa bubungan ng bahay ng hari, nakakita siya mula sa bubungan ng isang babaing naliligo; at ang babae ay napakaganda. Nagsugo si David at nagtanong tungkol sa babae. At sinabi ng isa, “Hindi ba ito ay si Batseba na anak ni Eliam, na asawa ni Urias na Heteo?” Kaya't si David ay nagpadala ng mga sugo at kinuha siya. Ang babae ay pumaroon sa kanya at siya'y kanyang sinipingan. (Siya ay katatapos pa lamang maglinis mula sa kanyang karumihan.) Pagkatapos, siya'y bumalik sa kanyang bahay. Ang babae ay naglihi; at siya'y nagsugo at sinabi kay David, “Ako'y buntis.” Kaya't nagpasabi si David kay Joab, “Papuntahin mo sa akin si Urias na Heteo.” Pinapunta ni Joab si Urias kay David. Nang si Urias ay dumating sa kanya, tinanong siya ni David kung ano ang kalagayan ni Joab at ng mga tauhan, at kung ano ang nangyayari sa labanan. Sinabi ni David kay Urias, “Bumaba ka sa iyong bahay at hugasan mo ang iyong mga paa.” At lumabas si Urias sa bahay ng hari at isinunod sa kanya ang isang regalo mula sa hari. Ngunit natulog si Urias sa pintuan ng bahay ng hari, kasama ng lahat ng mga lingkod ng kanyang panginoon, at hindi bumaba sa kanyang bahay. Nang kanilang sabihin kay David na, “Hindi bumaba si Urias sa kanyang bahay,” sinabi ni David kay Urias, “Hindi ba galing ka sa isang paglalakbay? Bakit hindi ka bumaba sa iyong bahay?” Sinabi ni Urias kay David, “Ang kaban, ang Israel, at ang Juda ay naninirahan sa mga tolda at ang aking panginoong si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon ay nagkakampo sa parang. Pupunta ba ako sa aking bahay upang kumain, uminom, at sumiping sa aking asawa? Habang buháy ka, at buháy ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito.” Pagkatapos ay sinabi ni David kay Urias, “Manatili ka rin dito ngayon at bukas ay paaalisin na kita.” Kaya't tumigil si Urias sa Jerusalem ng araw na iyon at sa kinabukasan. Inanyayahan siya ni David na siya'y kumain at uminom sa harap niya; at siya'y kanyang nilasing. Kinahapunan, siya'y lumabas upang mahiga sa kanyang higaan kasama ang mga lingkod ng kanyang panginoon, ngunit hindi siya bumaba sa kanyang bahay. Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias. Sa liham ay kanyang isinulat, “Ilagay mo si Urias sa unahan ng pinakamainit na labanan, pagkatapos kayo'y umurong mula sa kanya, upang siya'y masaktan, at mamatay.” Habang kinukubkob ni Joab ang lunsod, kanyang inilagay si Urias sa lugar na alam niyang kinaroroonan ng matatapang na lalaki. At ang mga lalaki sa lunsod ay lumabas at lumaban kay Joab, at ilan sa mga lingkod ni David ay nabuwal na kasama ng bayan. Si Urias na Heteo ay napatay rin. Pagkatapos ay nagsugo si Joab at sinabi kay David ang lahat ng mga balita tungkol sa labanan; at kanyang ibinilin sa sugo, “Kapag tapos ka ng magsalaysay sa hari ng lahat ng mga balita tungkol sa labanan, at, kung magalit ang hari at kanyang sabihin sa iyo, ‘Bakit lumapit kayong mabuti sa lunsod upang lumaban? Hindi ba ninyo nalalaman na sila'y papana mula sa pader? Sino ang pumatay kay Abimelec na anak ni Jerubeshet? Hindi ba isang babae ang naghagis sa kanya ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan mula sa pader, kaya't siya'y namatay sa Tebez? Bakit kayo'y lumapit sa pader?’ Saka mo sasabihin, ‘Ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay patay rin.’” Kaya't humayo ang sugo, pumaroon at isinalaysay kay David ang lahat ng ipinasasabi sa kanya ni Joab. At sinabi ng sugo kay David, “Ang mga lalaki ay nanaig laban sa amin, at lumabas sa amin sa parang; ngunit pinaurong namin sila hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan. At pinana ng mga tagapana ang iyong mga lingkod mula sa kuta; at ang ilan sa mga lingkod ng hari ay namatay, at ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay napatay rin.” Nang magkagayo'y sinabi ni David sa sugo, “Ganito ang sabihin mo kay Joab, ‘Huwag mong ikabahala ang bagay na ito, sapagkat nilalamon ng tabak ngayon ang isa at pagkatapos ay ang iba naman. Palakasin mo ang iyong pagsalakay sa lunsod at wasakin mo iyon!’ Palakasin mo ang loob niya.” Nang marinig ng asawa ni Urias na si Urias na kanyang asawa ay namatay, kanyang tinangisan ang kanyang asawa. Nang tapos na ang pagluluksa, si David ay nagsugo at kinuha ang babae sa kanyang bahay, at siya'y naging kanyang asawa, at nagkaanak sa kanya ng isang lalaki. Ngunit ang bagay na ginawa ni David ay hindi kinalugdan ng PANGINOON.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa II SAMUEL 11:1-27