Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 4:38-44

II MGA HARI 4:38-44 ABTAG01

Nang si Eliseo ay bumalik sa Gilgal, may taggutom sa lupain. Habang ang mga anak ng mga propeta ay nakaupo sa harapan niya, sinabi niya sa kanyang lingkod, “Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng pagkain ang mga anak ng mga propeta.” Ang isa sa kanila ay lumabas sa parang upang manguha ng mga gulayin, at nakakita ng isang baging na ligaw. Namitas siya roon hanggang sa ang kanyang kandungan ay napuno ng ligaw na bunga. Siya'y bumalik at pinagputul-putol ang mga iyon sa palayok ng pagkain, na hindi nalalaman kung ano ang mga iyon. Kanilang inihain ang ilan upang kainin ng mga tao. Subalit nang sila'y kumakain ng niluto, sila'y nagsisigaw, “O tao ng Diyos, may kamatayan sa palayok.” Hindi nila makain iyon. Ngunit kanyang sinabi, “Magdala rito ng kaunting harina.” Iyon ay kanyang inilagay sa palayok, at kanyang sinabi, “Ihain ninyo sa mga tao ninyo upang sila'y makakain.” At hindi na nagkaroon pa ng anumang nakakasama sa palayok. Dumating ang isang lalaki mula sa Baal-salisa, na may dala para sa tao ng Diyos na tinapay mula sa mga unang bunga, dalawampung tinapay na sebada, at mga sariwang uhay ng trigo na nasa kanyang sako. At sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo sa mga tao, upang sila'y makakain.” Ngunit sinabi ng kanyang lingkod, “Paano ko ito maihahain sa harapan ng isandaang katao?” Kaya't kanyang inulit, “Ibigay mo sa mga tao upang sila'y makakain, sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, ‘Sila'y kakain, at may matitira pa.’” Kaya't inihain niya ang mga iyon sa harapan nila. Sila'y kumain, at mayroong natira, ayon sa salita ng PANGINOON.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa II MGA HARI 4:38-44

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya