Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 23:4-20

II MGA HARI 23:4-20 ABTAG01

Inutusan ng hari si Hilkias na pinakapunong pari, at ang mga pari sa ikalawang hanay, at ang mga bantay-pinto, upang ilabas sa templo ng PANGINOON ang lahat ng kasangkapang ginawa para kay Baal at sa mga Ashera, at para sa lahat ng hukbo ng langit. Kanyang sinunog ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa kaparangan ng Cedron, at dinala ang mga abo niyon sa Bethel. Kanyang tinanggal ang mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na itinalaga ng mga hari ng Juda na magsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga palibot ng Jerusalem; gayundin yaong mga nagsunog ng insenso kay Baal, sa araw, sa buwan, sa mga tala, at sa lahat ng hukbo sa mga langit. At kanyang inilabas ang Ashera mula sa bahay ng PANGINOON, sa labas ng Jerusalem, sa batis ng Cedron, sinunog ito sa batis ng Cedron, at dinurog at inihagis ang alabok nito sa libingan ng mga karaniwang tao. Kanyang giniba ang mga bahay ng mga lalaking nagbibili ng aliw na nasa bahay ng PANGINOON, na pinagtatahian ng mga babae ng tabing para sa Ashera. Kanyang inilabas ang lahat ng mga pari mula sa mga lunsod ng Juda, at nilapastangan ang matataas na dako na pinagsusunugan ng insenso ng mga pari, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba. At kanyang ibinagsak ang matataas na dako ng mga pintuang-bayan na nasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng lunsod, na nasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng lunsod. Gayunma'y ang mga pari sa matataas na dako ay hindi umahon sa dambana ng PANGINOON sa Jerusalem, kundi sila'y kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng kanilang mga kapatid. Kanyang nilapastangan ang Tofet, na nasa libis ng mga anak ni Hinom, upang hindi paraanin sa apoy para kay Molec ang sinuman ng kanyang anak na lalaki o babae. Kanyang inalis ang mga kabayo na itinalaga ng hari ng Juda sa araw, na nasa pasukan ng bahay ng PANGINOON, sa tabi ng silid ni Natan-melec na eunuko, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karwahe ng araw. Ang mga dambana na nasa bubungan ng silid sa itaas ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang bulwagan ng bahay ng PANGINOON ay kanyang pinabagsak, dinurog, at inihagis ang alabok ng mga iyon sa batis ng Cedron. Nilapastangan ng hari ang matataas na dako na nasa silangan ng Jerusalem, hanggang sa timog ng Bundok ng Kasiraan, na itinayo ng Haring Solomon para kay Astarte na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Cemos na karumaldumal ng Moab, at kay Malcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon. At kanyang pinagputul-putol ang mga haligi, at pinutol ang mga sagradong poste, at pinuno ang kanilang mga kinatatayuan ng mga buto ng tao. Bukod dito, ang dambana na nasa Bethel at matataas na dako na itinayo ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala, ang dambanang iyon at ang matataas na dako ay kanyang ibinagsak at kanyang dinurog ang mga bato nito; sinunog din niya ang sagradong poste. Sa pagpihit ni Josias, kanyang natanaw ang mga libingang nasa bundok. Siya'y nagsugo at inilabas ang mga buto sa mga libingan, at sinunog ang mga iyon sa dambana, at nilapastangan ito, ayon sa salita ng PANGINOON na ipinahayag ng tao ng Diyos na siyang humula ng mga bagay na ito. Pagkatapos ay kanyang sinabi, “Ano yaong bantayog na nakikita ko roon?” Sinabi ng mga lalaki ng lunsod sa kanya, “Iyon ay libingan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda at humula ng mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel.” Kanyang sinabi, “Hayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya.” Kaya't hinayaan nila ang mga buto niya, kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria. At ang lahat din ng mga dambana sa matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, na ginawa ng mga hari ng Israel upang galitin ang PANGINOON, ay pinag-aalis ni Josias; at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat ng kanyang ginawa sa Bethel. Kanyang pinatay sa ibabaw ng dambana ang lahat ng pari sa matataas na dako na naroroon, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga iyon. Pagkatapos siya'y bumalik sa Jerusalem.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa II MGA HARI 23:4-20