Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 20:1-6

II MGA HARI 20:1-6 ABTAG01

Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Si propeta Isaias na anak ni Amos ay pumaroon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng PANGINOON, ‘Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay na, hindi ka na mabubuhay.’” Nang magkagayo'y iniharap ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding at nanalangin sa PANGINOON na sinasabi, “Alalahanin mo ngayon, O PANGINOON, idinadalangin ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harapan mo sa katapatan, at nang buong puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.” At si Hezekias ay umiyak nang mapait. At bago nakalabas si Isaias sa gitnang bulwagan, dumating ang salita ng PANGINOON sa kanya na sinasabi, “Bumalik ka, at sabihin mo kay Hezekias na pinuno ng aking bayan, Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ni David na iyong ninuno: Narinig ko ang iyong panalangin, nakita ko ang iyong mga luha; pagagalingin kita. Sa ikatlong araw ay aakyat ka sa bahay ng PANGINOON. Dadagdagan ko ng labinlimang taon ang iyong buhay. Ililigtas ko ikaw at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria at aking ipagtatanggol ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”