Nang ikatlong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Hezekias na anak ni Ahaz na hari ng Juda ay nagsimulang maghari. Siya ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abi na anak ni Zacarias. Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno. Kanyang inalis ang matataas na dako, winasak ang mga haligi, at ibinagsak ang mga sagradong poste. Kanyang pinagputul-putol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises, sapagkat hanggang sa mga araw na iyon ay pinagsusunugan ito ng insenso ng mga anak ni Israel; ito ay tinawag na Nehustan. Siya'y nagtiwala sa PANGINOONG Diyos ng Israel at walang naging gaya niya sa lahat ng mga hari ng Juda pagkatapos niya o maging sa mga nauna sa kanya. Sapagkat siya'y humawak nang mahigpit sa PANGINOON; siya'y hindi humiwalay sa pagsunod sa kanya, kundi iningatan ang kanyang mga utos na iniutos ng PANGINOON kay Moises. Ang PANGINOON ay kasama niya; saanman siya magtungo ay nagtatagumpay siya. Siya'y naghimagsik laban sa hari ng Asiria, at ayaw niyang maglingkod sa kanya. Kanyang nilusob ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sa mga nasasakupan nito, mula sa muog-bantayan hanggang sa lunsod na may kuta. Nang ikaapat na taon ni Haring Hezekias, na siyang ikapitong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Shalmaneser na hari ng Asiria ay umahon laban sa Samaria at kinubkob niya iyon, at sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop iyon. Nang ikaanim na taon ni Hezekias, na siyang ikasiyam na taon ni Hosheas na hari ng Israel, ang Samaria ay sinakop. Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, ang ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo, sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng PANGINOON nilang Diyos, kundi kanilang nilabag ang kanyang tipan, maging ang lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng PANGINOON. Hindi sila nakinig ni sumunod.
Basahin II MGA HARI 18
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: II MGA HARI 18:1-12
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas