Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 17:14-23

II MGA HARI 17:14-23 ABTAG01

Ngunit ayaw nilang makinig, kundi pinatigas ang kanilang ulo na gaya ng kanilang mga ninuno na hindi sumampalataya sa PANGINOON nilang Diyos. Kanilang itinakuwil ang kanyang mga tuntunin at ang kanyang tipan na ginawa niya sa kanilang mga ninuno, at ang mga babala na kanyang ibinigay sa kanila. Sila'y nagsisunod sa mga walang kabuluhan at naging walang kabuluhan at nagsisunod sa mga bansa na nasa palibot nila, na iniutos ng PANGINOON na huwag silang gumawa ng tulad nila. At kanilang itinakuwil ang lahat ng mga utos ng PANGINOON nilang Diyos, at gumawa para sa kanilang sarili ng mga larawang hinulma na dalawang guya, at nagsigawa ng sagradong poste, at sinamba ang hukbo ng langit, at naglingkod kay Baal. Kanilang pinaraan sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae at gumamit ng panghuhula at pangkukulam, at ipinagbili ang kanilang sarili upang gumawa ng masama sa paningin ng PANGINOON, na siyang ikinagalit niya. Kaya't ang PANGINOON ay galit na galit sa Israel, at inalis sila sa kanyang paningin. Walang naiwan maliban sa lipi ni Juda lamang. Hindi rin iningatan ng Juda ang mga utos ng PANGINOON nilang Diyos, kundi lumakad sa mga kaugaliang pinasimulan ng Israel. At itinakuwil ng PANGINOON ang lahat ng mga anak ni Israel, at pinahirapan sila at ibinigay sila sa kamay ng mga mananamsam hanggang sa kanyang mapalayas sila sa kanyang paningin. Nang kanyang maihiwalay ang Israel sa sambahayan ni David, kanilang ginawang hari si Jeroboam na anak ni Nebat. At inilayo ni Jeroboam ang Israel sa pagsunod sa PANGINOON at naging dahilan upang makagawa sila ng malaking kasalanan. At ang bayang Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan na ginawa ni Jeroboam; hindi nila hiniwalayan ang mga iyon, hanggang sa alisin ng PANGINOON ang Israel sa kanyang paningin, gaya ng kanyang sinabi sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Kaya't ang Israel ay itinapon sa Asiria mula sa kanilang sariling lupain hanggang sa araw na ito.