II MGA HARI 15
15
Si Haring Azarias ng Juda
(2 Cro. 26:1-23)
1Nang ikadalawampu't pitong taon ni Jeroboam na hari ng Israel, si Azarias na anak ni Amasias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.
2Siya'y labing-anim na taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem.
3Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias.
4Gayunma'y hindi inalis ang matataas na dako; ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.
5At sinaktan ng Panginoon ang hari, at siya'y isang ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at siya'y tumira sa isang bukod na bahay. At si Jotam na anak ng hari ang tagapamahala ng sambahayan, na humahatol sa sambayanan ng lupain.
6Ang iba sa mga gawa ni Azarias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan#15:6 o Cronica. ng mga Hari ng Juda?
7At#Isa. 6:1 si Azarias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David; si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Zacarias ng Israel
8Nang ikatatlumpu't walong taon ni Azarias na hari ng Juda, si Zacarias na anak ni Jeroboam ay naghari sa Israel sa Samaria sa loob ng anim na buwan.
9Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng kanyang mga magulang. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala.
10At si Shallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban sa kanya, at sinaktan siya sa harapan ng bayan,#15:10 o sa Ibleam. at pinatay siya, at nagharing kapalit niya.
11Ang iba sa mga gawa ni Zacarias, ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan#15:11 o Cronica. ng mga Hari ng Israel.
12Ito#2 Ha. 10:30 ang pangako ng Panginoon na ibinigay niya kay Jehu, “Ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel.” At gayon nga ang nangyari.
Si Haring Shallum ng Israel
13Si Shallum na anak ni Jabes ay nagsimulang maghari nang ikatatlumpu't siyam na taon ni Uzias na hari ng Juda; at siya'y naghari sa loob ng isang buwan sa Samaria.
14Pagkatapos si Menahem na anak ni Gadi ay umahon mula sa Tirsa at dumating sa Samaria, at kanyang sinaktan si Shallum na anak ni Jabes sa Samaria, at pinatay siya at nagharing kapalit niya.
15Ang iba pa sa mga gawa ni Shallum, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan#15:15 o Cronica. ng mga Hari ng Israel.
16Nang panahong iyon, ginapi ni Menahem si Tifsa#15:16 o Tapua. at ang lahat ng naroroon, at ang mga nasasakupan nito mula sa Tirsa, sapagkat siya ay hindi nila pinagbuksan, kaya't sinakop niya ito; at biniyak niya ang tiyan ng lahat ng babaing buntis na naroroon.
Si Haring Menahem ng Israel
17Nang ikatatlumpu't siyam na taon ni Azarias na hari ng Juda, nagsimulang maghari sa Israel si Menahem na anak ni Gadi, at siya ay naghari ng sampung taon sa Samaria.
18Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon. Siya'y hindi humiwalay sa lahat niyang mga araw sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.
19Dumating laban sa lupain si Pul na hari ng Asiria; at binigyan ni Menahem si Pul ng isanlibong talentong pilak upang ang kanyang kamay ay mapasa kanya upang mapatatag ang kanyang kaharian sa ilalim ng kanyang pamumuno.
20At pinapagbayad ni Menahem ng salapi ang Israel, samakatuwid ay ang lahat ng mga makapangyarihang lalaki na mayaman, limampung siklong pilak sa bawat tao upang ibigay sa hari ng Asiria. Kaya't ang hari ng Asiria ay umurong, at hindi tumigil doon sa lupain.
21Ang iba sa mga gawa ni Menahem, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan#15:21 o Cronica. ng mga Hari ng Israel?
22At natulog si Menahem na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Pekahia na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Pekahia ng Israel
23Nang ikalimampung taon ni Azarias na hari ng Juda, nagsimulang maghari sa Israel si Pekahia, na anak ni Menahem sa Samaria, at siya ay naghari ng dalawang taon.
24Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.
25At si Peka na anak ni Remalias, na kanyang punong-kawal ay nakipagsabwatan laban sa kanya at sinaktan siya sa Samaria sa muog ng bahay ng hari, na kasama si Argob at si Arif at kasama niya ang limampung lalaki na mga Gileadita at kanyang pinatay siya at nagharing kapalit niya.
26Ang iba sa mga gawa ni Pekahia, at ang lahat niyang ginawa ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan#15:26 o Cronica. ng mga Hari ng Israel.
Si Haring Peka ng Israel
27Nang ikalimampu't dalawang taon ni Azarias na hari sa Juda, nagsimulang maghari si Peka, na anak ni Remalias sa Israel sa Samaria, at siya'y naghari ng dalawampung taon.
28Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya tinalikdan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.
29Nang mga araw ni Peka na hari ng Israel, si Tiglat-pileser na hari sa Asiria ay dumating at sinakop ang Ijon, Abel-betmaaca, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead, at ang Galilea, ang buong lupain ng Neftali; at kanyang dinalang-bihag ang taong-bayan sa Asiria.
30At si Hosheas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka na anak ni Remalias, at kanyang sinaktan siya, at pinatay siya, at nagharing kapalit niya, nang ikadalawampung taon ni Jotam na anak ni Uzias.
31Ang iba pa sa mga gawa ni Peka, at ang lahat niyang ginawa ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan#15:31 o Cronica. ng mga Hari ng Israel.
Si Haring Jotam ng Juda
(2 Cro. 27:1-9)
32Nang ikalawang taon ni Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, si Jotam na anak ni Uzias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.
33Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerusha na anak ni Zadok.
34Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias.
35Gayunma'y, ang matataas na dako ay hindi inalis. Ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako. Itinayo niya ang pintuang-bayan sa itaas sa bahay ng Panginoon.
36Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan#15:36 o Cronica. ng mga Hari ng Juda?
37Nang mga araw na iyon, pinasimulang suguin ng Panginoon laban sa Juda sina Rezin na hari sa Siria at si Peka na anak ni Remalias.
38Si Jotam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ninuno. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Kasalukuyang Napili:
II MGA HARI 15: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001