Magsisimula ba kaming muli na purihin ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri sa inyo, o mula sa inyo?
Kayo mismo ang aming sulat na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao:
ipinapakita ninyo na kayo'y sulat ni Cristo na iniingatan namin, isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas ng bato kundi sa mga tapyas ng puso ng tao.
Gayon ang pagtitiwalang taglay namin sa pamamagitan ni Cristo tungo sa Diyos.
Hindi sa kami ay may kakayahan mula sa aming sarili upang angkinin ang anuman na nagmula sa amin, kundi ang aming kakayahan ay mula sa Diyos;
na ginawa kaming may kakayahan na maging mga lingkod ng bagong tipan, hindi ng titik, kundi ng Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.
Ngunit kung ang pangangasiwa ng kamatayan na nasusulat at nakaukit sa mga bato ay may kaluwalhatian, anupa't ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kanyang mukha, na ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas,
paanong ang pangangasiwa ng Espiritu ay hindi lalong magkakaroon ng kaluwalhatian?
Sapagkat kung ang pangangasiwa ng kahatulan ay may kaluwalhatian, ang pangangasiwa ng katuwiran ay lalong may higit na kaluwalhatian.
Tunay na sa ganitong kalagayan, ang dating may kaluwalhatian ay nawalan ng kanyang kaluwalhatian, dahil sa kaluwalhatiang nakahihigit dito.
Sapagkat kung ang bagay na lumilipas ay may kaluwalhatian, ang nananatili ay may higit pang kaluwalhatian.
Yamang kami ay mayroong gayong pag-asa, kami ay kumikilos na may malaking katapangan,
hindi gaya ni Moises, na naglagay ng talukbong sa kanyang mukha upang hindi makita ng mga anak ni Israel ang katapusan ng bagay na lumilipas.
Subalit ang kanilang mga pag-iisip ay tumigas, sapagkat hanggang sa araw na ito, kapag kanilang binabasa ang lumang tipan, ang dating talukbong ay nananatiling hindi itinataas, sapagkat tanging sa pamamagitan ni Cristo ito inaalis.