II MGA CRONICA 35
35
Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa
(2 Ha. 23:21-23)
1Nagdiwang si Josias sa Jerusalem ng isang paskuwa sa Panginoon; at kanilang kinatay ang kordero ng paskuwa sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan.
2Kanyang hinirang ang mga pari sa kanilang mga katungkulan at pinasigla sila sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.
3At sinabi niya sa mga Levita na nagturo sa buong Israel, na mga banal sa Panginoon, “Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Solomon, na anak ni David, na hari ng Israel. Hindi na ninyo kailangan pang pasanin iyon sa inyong mga balikat. Maglingkod kayo ngayon sa Panginoon ninyong Diyos at sa kanyang bayang Israel.
4Ihanda#2 Cro. 8:14 ninyo ang inyong mga sarili ayon sa mga sambahayan ng inyong mga ninuno, ayon sa inyong mga pangkat, alinsunod sa nakasulat na tagubilin ni David na hari ng Israel at sa nakasulat na tagubilin ni Solomon na kanyang anak.
5Tumayo kayo sa dakong banal ayon sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga ninuno ng inyong mga kapatid na mga anak ng bayan, at magkaroon ang bawat isa ng isang bahagi ng sambahayan ng mga ninuno ng mga Levita.
6Katayin ninyo ang kordero ng paskuwa, at magpakabanal kayo, at ihanda ninyo para sa inyong mga kapatid, upang gawin ang ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.”
7At si Josias ay nagkaloob sa mga taong-bayan, bilang mga handog sa paskuwa para sa lahat ng naroroon, ng mga kordero at ng mga anak ng kambing mula sa kawan, na ang bilang niyon ay tatlumpung libo at tatlong libong toro; ang mga ito'y mula sa mga ari-arian ng hari.
8Ang kanyang mga pinuno ay kusang-loob na nagbigay sa taong-bayan, sa mga pari, at sa mga Levita. Sina Hilkias, Zacarias, at Jeiel, na mga pinuno sa bahay ng Diyos, ay nagbigay sa mga pari ng mga handog sa paskuwa ng dalawang libo at animnaraang tupa at mga kambing at tatlong daang toro.
9Gayundin sina Conanias, Shemaya, si Natanael na kanyang mga kapatid, at si Hashabias, Jeiel, at Josabad, na mga pinuno ng mga Levita, ay nagbigay sa mga Levita ng mga handog sa paskuwa ng limang libong tupa at kambing, at limang daang toro.
10Nang nakapaghanda na para sa paglilingkod, ang mga pari ay nagsitayo sa kanilang lugar, at ang mga Levita ayon sa kanilang mga pangkat ayon sa utos ng hari.
11Kanilang kinatay ang kordero ng paskuwa, at iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kanila samantalang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop.
12At kanilang ibinukod ang mga handog na sinusunog, upang kanilang maipamahagi ang mga iyon ayon sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga ninuno ng taong-bayan, upang ihandog sa Panginoon, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises. At gayundin ang ginawa nila sa mga toro.
13Kanilang#Exo. 12:8, 9 inihaw ang kordero ng paskuwa sa apoy ayon sa batas; at ang mga banal na handog ay kanilang nilaga sa mga palayok, sa mga kaldero, at sa mga kawali, at mabilis na dinala sa lahat ng taong-bayan.
14Pagkatapos ay naghanda sila para sa kanilang sarili at sa mga pari; sapagkat ang mga pari na mga anak ni Aaron ay abala sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng taba hanggang sa kinagabihan. Kaya't ang mga Levita ay naghanda para sa kanilang sarili at sa mga pari na mga anak ni Aaron.
15Ang#1 Cro. 25:1 mga mang-aawit na mga anak ni Asaf ay nasa kanilang lugar, ayon sa utos nina David, Asaf, Heman, at ni Jedutun na propeta ng hari. Ang mga bantay-pinto ay nasa bawat pintuan. Hindi na sila kailangang umalis sa kanilang paglilingkod, sapagkat ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita.
16Kaya't ang lahat ng paglilingkod sa Panginoon ay naihanda nang araw na iyon, upang ipagdiwang ang paskuwa at upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, ayon sa utos ni Haring Josias.
17Ang#Exo. 12:1-20 mga anak ni Israel na naroroon ay nagdiwang ng paskuwa nang panahong iyon, at ng kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw.
18Walang paskuwa na gaya nito ang ipinagdiwang sa Israel mula sa mga araw ni propeta Samuel. Walang sinuman sa mga hari ng Israel ang nagdiwang ng gayong paskuwa na gaya ng ipinagdiwang ni Josias, ng mga pari, ng mga Levita, ng buong Juda at Israel na naroroon, at ng mga naninirahan sa Jerusalem.
19Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Josias ipinagdiwang ang paskuwang ito.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Josias
(2 Ha. 23:28-30)
20Pagkatapos ng lahat ng ito, nang maihanda ni Josias ang templo, si Neco na hari ng Ehipto ay umahon upang makipaglaban sa Carquemis sa Eufrates at si Josias ay lumabas laban sa kanya.
21Ngunit siya'y nagsugo ng mga sugo sa kanya, na ipinasasabi, “Anong pakialam natin sa isa't isa, ikaw na hari ng Juda? Ako'y hindi dumarating laban sa iyo sa araw na ito, kundi laban sa sambahayan na aking dinidigma, at iniutos sa akin ng Diyos na ako'y magmadali. Tumigil ka sa pagsalungat sa Diyos na siyang kasama ko, baka puksain ka niya.”
22Gayunma'y ayaw siyang iwan ni Josias, sa halip ay nagbalatkayo siya upang labanan siya. Hindi siya nakinig sa mga salita ni Neco na mula sa bibig ng Diyos, kundi sumamang nakipaglaban sa kapatagan ng Megido.
23Pinana ng mga mamamana si Haring Josias: at sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Ilabas ninyo ako; sapagkat ako'y malubhang nasugatan.”
24Kaya't inalis siya ng kanyang mga lingkod sa karwahe at dinala siya sa kanyang ikalawang karwahe at dinala siya sa Jerusalem. Siya'y namatay at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang buong Juda at Jerusalem ay tumangis kay Josias.
25Iniyakan din ni Jeremias si Josias; at ang lahat ng mang-aawit na lalaki at babae ay nagsalita tungkol kay Josias sa kanilang mga panaghoy hanggang sa araw na ito. Ginawa nila itong isang tuntunin sa Israel at ang mga ito ay nakasulat sa Mga Panaghoy.
26Ang iba pa sa mga ginawa ni Josias at ang kanyang mabubuting gawa, ayon sa nakasulat sa kautusan ng Panginoon,
27at ang kanyang mga gawa, ang una at huli ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda.
Kasalukuyang Napili:
II MGA CRONICA 35: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001