II MGA CRONICA 27
27
Si Haring Jotam ng Juda
(2 Ha. 15:32-38)
1Si Jotam ay dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerushah na anak ni Zadok.
2At kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias—liban lamang sa hindi niya pinasok ang templo ng Panginoon. Ngunit ang taong-bayan ay sumunod sa masasamang gawain.
3Kanyang itinayo ang pang-itaas na pintuan ng bahay ng Panginoon, at marami siyang ginawa sa pader ng Ofel.
4Bukod dito'y nagtayo siya ng mga lunsod sa lupaing maburol ng Juda, at ng mga kuta at mga tore sa magubat na burol.
5Siya'y lumaban sa hari ng mga Ammonita at nagtagumpay laban sa kanila. At ang mga Ammonita ay nagbigay sa kanya nang taon ding iyon ng isandaang talentong pilak, at sampung libong koro ng trigo at sampung libo ng sebada. Ang mga Ammonita ay nagbayad sa kanya ng gayunding halaga sa ikalawa at ikatlong taon.
6Kaya't si Jotam ay naging makapangyarihan, sapagkat inayos niya ang kanyang pamumuhay sa harapan ng Panginoon niyang Diyos.
7Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang mga pakikipagdigma, at ang kanyang pamumuhay ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda.
8Siya'y dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem.
9At si Jotam ay namatay na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Kasalukuyang Napili:
II MGA CRONICA 27: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001