At kanyang sinabi, “Makinig kayo, buong Juda at mga mamamayan ng Jerusalem, at Haring Jehoshafat: Ganito ang sabi ng PANGINOON sa inyo, ‘Huwag kayong matakot, at huwag kayong panghinaan ng loob sa napakaraming taong ito, sapagkat ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos.
Bukas ay harapin ninyo sila. Sila'y aahon sa ahunan ng Sis; inyong matatagpuan sila sa dulo ng libis, sa silangan ng ilang ng Jeruel.
Hindi ninyo kailangang lumaban sa digmaang ito. Manatili kayo sa inyong puwesto, tumayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagtatagumpay ng PANGINOON alang-alang sa inyo, O Juda at Jerusalem.’ Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob; bukas ay harapin ninyo sila sapagkat ang PANGINOON ay sasama sa inyo.”
Pagkatapos ay itinungo ni Jehoshafat ang kanyang ulo sa lupa, at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa sa PANGINOON, na sumasamba sa PANGINOON.
At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Kohatita at sa mga anak ng mga Korahita ay tumayo upang purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, nang napakalakas na tinig.
Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at lumabas sa ilang ng Tekoa. Habang sila'y lumalabas, si Jehoshafat ay tumayo at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, O Juda at mga mamamayan ng Jerusalem! Manalig kayo sa PANGINOON ninyong Diyos, at kayo'y magiging matatag. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta, at kayo'y magtatagumpay.”
Pagkatapos niyang sumangguni sa mga tao, kanyang hinirang ang mga aawit sa PANGINOON at magpupuri sa kanya sa banal na kaayusan, habang sila'y nangunguna sa hukbo at nagsasabi, “Magpasalamat kayo sa PANGINOON; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”
Nang sila'y magpasimulang umawit at magpuri, ang PANGINOON ay naglagay ng pagtambang laban sa mga taga-Ammon, Moab, at Bundok ng Seir na dumating laban sa Juda kaya't sila'y nagapi.