Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA CRONICA 20:1-15

II MGA CRONICA 20:1-15 ABTAG01

Pagkatapos nito, ang mga Moabita at mga Ammonita, at pati ang ilan sa mga Meunita ay dumating laban kay Jehoshafat upang makipaglaban. Ilang katao ang dumating at nagsabi kay Jehoshafat, “Napakaraming tao ang dumarating laban sa iyo mula sa Edom, mula sa kabila ng dagat; sila'y naroon na sa Hazazon-tamar” (na siya ring En-gedi). Si Jehoshafat ay natakot, at nagpasiyang hanapin ang PANGINOON, at nagpahayag ng pag-aayuno sa buong Juda. Kaya't ang Juda'y nagtipun-tipon upang humingi ng tulong sa PANGINOON; mula sa lahat ng bayan ng Juda ay dumating sila upang hanapin ang PANGINOON. Si Jehoshafat ay tumayo sa kapulungan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng PANGINOON, sa harapan ng bagong bulwagan, at kanyang sinabi, “O PANGINOON, Diyos ng aming mga ninuno, di ba ikaw ay Diyos sa langit? Di ba ikaw ay namumuno sa lahat ng kaharian ng mga bansa? Sa iyong kamay ay kapangyarihan at lakas, anupa't walang makakaharap sa iyo. Hindi ba't ikaw, O aming Diyos, ang nagpalayas sa mga naninirahan sa lupaing ito sa harapan ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailanman? Sila'y nanirahan doon at ipinagtayo ka ng santuwaryo para sa iyong pangalan, na sinasabi, ‘Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak, kahatulan, salot, o taggutom, kami ay tatayo sa harapan ng bahay na ito at sa iyong harapan, sapagkat ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito; at kami ay dadaing sa iyo sa aming kahirapan, at ikaw ay makikinig at magliligtas?’ Tingnan mo ngayon, ang mga tao mula sa Ammon at Moab, at sa Bundok ng Seir, na hindi mo ipinalusob sa Israel nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, kundi kanilang iniwasan at hindi nila pinuksa— kanilang ginagantihan kami sa pamamagitan ng pagparito upang palayasin kami sa pag-aari na ibinigay mo sa amin upang manahin. O Diyos namin, hindi mo ba sila hahatulan? Sapagkat kami ay walang magagawa laban sa napakaraming taong ito na dumarating laban sa amin. Hindi namin alam kung ano ang gagawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.” Samantala, ang buong Juda ay nakatayo sa harapan ng PANGINOON, kasama ang kanilang mga bata, kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak. Ang Espiritu ng PANGINOON ay dumating kay Jahaziel na anak ni Zacarias, na anak ni Benaya, na anak ni Jeiel, na anak ni Matanias, isang Levita sa mga anak ni Asaf, sa gitna ng kapulungan. At kanyang sinabi, “Makinig kayo, buong Juda at mga mamamayan ng Jerusalem, at Haring Jehoshafat: Ganito ang sabi ng PANGINOON sa inyo, ‘Huwag kayong matakot, at huwag kayong panghinaan ng loob sa napakaraming taong ito, sapagkat ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa II MGA CRONICA 20:1-15