I SAMUEL 8
8
Ang Israel ay Humingi ng Hari
1Nang si Samuel ay matanda na, ginawa niyang mga hukom sa Israel ang kanyang mga anak.
2Ang pangalan ng kanyang panganay na anak ay Joel at ang pangalawa ay Abias. Sila'y mga hukom sa Beer-seba.
3Ngunit ang kanyang mga anak ay hindi sumunod sa kanyang mga daan, kundi tumalikod dahil sa pakinabang. Sila'y tumanggap ng mga suhol at binaluktot ang katarungan.
4Nang magkagayo'y nagtipun-tipon ang mga matanda ng Israel at pumaroon kay Samuel sa Rama.
5At#Deut. 17:14 kanilang sinabi sa kanya, “Ikaw ay matanda na at ang iyong mga anak ay hindi sumusunod sa iyong mga daan. Humirang ka ngayon para sa amin ng isang hari upang mamahala sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.”
6Ngunit hindi minabuti ni Samuel nang kanilang sabihin, “Bigyan mo kami ng isang hari upang mamahala sa amin.” At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.
7Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Pakinggan mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagkat hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako bilang hari nila.
8Ayon sa lahat ng mga bagay na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, na kanilang tinatalikuran ako at naglilingkod sa ibang mga diyos ay gayundin ang ginagawa nila sa iyo.
9Ngayon nga'y dinggin mo ang kanilang tinig; lamang ay balaan mo silang mabuti, at ipakita mo sa kanila ang mga pamamaraan ng hari na maghahari sa kanila.”
Nagbabala si Samuel
10Kaya't iniulat ni Samuel ang lahat ng mga salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kanya ng isang hari.
11Sinabi niya, “Ito ang magiging mga palakad ng hari na maghahari sa inyo: kanyang kukunin ang inyong mga anak at kanyang ilalagay sa kanyang mga karwahe upang maging mga mangangabayo na tatakbo sa unahan ng kanyang mga karwahe.
12Siya'y hihirang para sa kanya ng mga pinuno ng libu-libo at mga pinuno ng tiglilimampu; at ang iba ay upang mag-araro ng kanyang lupa, at gumapas ng kanyang ani, at upang gumawa ng kanyang mga kagamitang pandigma at mga kagamitan ng kanyang mga karwahe.
13Kanyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging mga manggagawa ng pabango, mga tagapagluto, at mga magtitinapay.
14Kukunin niya ang pinakamainam ninyong mga bukid, mga ubasan, at mga taniman ng olibo upang ibigay ang mga iyon sa kanyang mga lingkod.
15Kukunin niya ang ikasampung bahagi ng inyong butil at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kanyang mga punong-kawal at mga lingkod.
16Kanyang kukunin ang inyong mga aliping lalaki at aliping babae, ang inyong pinakamabuting kabataan, at ang inyong mga asno, at ilalagay niya sa kanyang mga gawain.
17Kanyang kukunin ang ikasampung bahagi ng inyong mga kawan at kayo'y magiging kanyang mga alipin.
18Sa araw na iyon kayo'y daraing dahil sa inyong hari na inyong pinili para sa inyong sarili; ngunit hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na iyon.”
19Ngunit tumangging makinig ang bayan sa tinig ni Samuel at kanilang sinabi, “Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari,
20upang kami naman ay maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang mamahala sa amin ang aming hari at lumabas sa unahan namin at lumaban sa aming mga digmaan.”
21Nang marinig ni Samuel ang lahat ng mga salita ng bayan, kanyang inulit ang mga iyon sa pandinig ng Panginoon.
22At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Pakinggan mo ang kanilang tinig at bigyan mo sila ng hari.” Sinabi ni Samuel sa mga tao sa Israel, “Umuwi ang bawat isa sa inyo sa kanya-kanyang lunsod.”
Kasalukuyang Napili:
I SAMUEL 8: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001