I SAMUEL 5
5
Ang Kaban ng Tipan sa mga Filisteo
1Nang makuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos, ito ay kanilang dinala sa Asdod mula sa Ebenezer.
2Pagkatapos ay kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos at ipinasok sa bahay ni Dagon, at inilagay sa tabi ni Dagon.
3Kinaumagahan, nang bumangong maaga ang mga taga-Asdod, si Dagon ay buwal na nakasubsob doon sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. Kanilang kinuha si Dagon at muli siyang inilagay sa kanyang puwesto.
4Subalit nang sila'y maagang bumangon kinaumagahan, si Dagon ay buwal na nakasubsob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. Ang ulo ni Dagon, gayundin ang kanyang mga kamay ay putol at nasa bungad ng pintuan; tanging ang katawan ni Dagon lamang ang naiwan sa kanya.
5Dahil dito ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng pumapasok sa bahay ni Dagon ay hindi tumutuntong sa bungad ng pintuan ni Dagon sa Asdod, hanggang sa araw na ito.
Ang mga Bayan ng Filisteo ay Pinarusahan
6Ang kamay ng Panginoon ay mabigat sa mga taga-Asdod. Kanyang tinakot sila at sinaktan ng mga bukol, ang Asdod at ang mga nasasakupan nito.
7Nang makita ng mga lalaki sa Asdod ang nangyayari ay kanilang sinabi, “Ang kaban ng Diyos ng Israel ay hindi dapat manatiling kasama natin sapagkat ang kanyang kamay ay mabigat sa atin at kay Dagon na ating diyos.”
8Kaya't kanilang ipinatawag at tinipon ang lahat ng mga panginoon ng mga Filisteo at sinabi, “Ano ang ating gagawin sa kaban ng Diyos ng Israel?” At sila'y sumagot, “Dalhin sa Gat ang kaban ng Diyos ng Israel.” At kanilang dinala roon ang kaban ng Diyos ng Israel.
9Subalit pagkatapos na kanilang madala, ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa lunsod na nagdulot ng malaking ligalig. Sinaktan niya ang mga tao sa lunsod, maging bata o matanda, kaya't may mga bukol na tumubo sa kanila.
10Kanilang ipinadala ang kaban ng Diyos sa Ekron. Subalit pagdating ng kaban ng Diyos sa Ekron, ang mga taga-Ekron ay sumigaw, “Kanilang dinala sa atin ang kaban ng Diyos ng Israel upang patayin tayo at ang ating taong-bayan.”
11Kaya't ipinatawag nila at tinipon ang lahat ng panginoon ng mga Filisteo, at kanilang sinabi, “Ilayo ninyo ang kaban ng Diyos ng Israel at ibalik ninyo sa kanyang sariling lugar, upang huwag nito kaming patayin at ang aming taong-bayan.” Sapagkat nagkaroon ng nakakamatay na pagkakagulo#5:11 Sa ibang kasulatan ay pagkakagulo mula sa Panginoon. sa buong lunsod. Ang kamay ng Diyos ay lubhang mabigat doon.
12Ang mga lalaking hindi namatay ay nagkaroon ng mga bukol, at ang daing ng lunsod ay umabot hanggang sa langit.
Kasalukuyang Napili:
I SAMUEL 5: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001