Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 28:3-20

I SAMUEL 28:3-20 ABTAG01

Si Samuel noon ay patay na, at tumangis ang buong Israel at inilibing siya sa Rama, na kanyang sariling lunsod. At pinalayas ni Saul mula sa lupain ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam. Nagtipun-tipon ang mga Filisteo, at dumating at humimpil sa Sunem. Tinipon ni Saul ang buong Israel at sila'y humimpil sa Gilboa. Nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya'y natakot at ang kanyang puso ay lubhang nanginig. Nang sumangguni si Saul sa PANGINOON, hindi siya sinagot ng PANGINOON, maging sa pamamagitan ng panaginip ni sa Urim, ni sa pamamagitan man ng mga propeta. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ihanap ninyo ako ng isang babae na sumasangguni sa mga espiritu, upang ako'y makapunta at makasangguni sa kanya.” At sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “May isang babae sa Endor na sumasangguni sa mga espiritu.” Kaya't nagbalatkayo si Saul, nagsuot ng ibang kasuotan at pumaroon, siya at ang dalawang lalaking kasama niya. Sila'y dumating sa babae nang kinagabihan. At kanyang sinabi, “Humula ka para sa akin sa pamamagitan ng espiritu, at iahon mo sa akin ang sinumang babanggitin ko sa iyo.” Sinabi ng babae sa kanya, “Tiyak na nalalaman mo ang ginawa ni Saul, kung paanong kanyang nilipol ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam sa lupain. Bakit ka naglalagay ng bitag sa aking buhay upang ipapatay ako?” Ngunit sumumpa si Saul sa kanya sa pamamagitan ng PANGINOON, na sinasabi, “Habang buháy ang PANGINOON, walang parusang darating sa iyo dahil sa bagay na ito.” Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Sinong iaahon ko para sa iyo?” At kanyang sinabi, “Iahon mo si Samuel para sa akin.” Nang makita ng babae si Samuel, siya ay sumigaw nang malakas at sinabi ng babae kay Saul, “Bakit mo ako dinaya? Ikaw si Saul.” Sinabi ng hari sa kanya, “Huwag kang matakot. Ano ang iyong nakikita?” At sinabi ng babae kay Saul, “Nakikita ko ang isang diyos na umaahon mula sa lupa.” Sinabi niya sa kanya, “Ano ang kanyang anyo?” At sinabi niya, “Isang matandang lalaki ang lumilitaw, at siya'y nababalot ng isang balabal.” At nakilala ni Saul na iyon ay si Samuel, at siya'y yumukod sa lupa at nagbigay galang. Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginambala sa pagpapaahon sa akin?” At sumagot si Saul, “Ako'y labis na naguguluhan, sapagkat ang mga Filisteo ay nandirigma laban sa akin. Ang Diyos ay humiwalay na sa akin, at hindi na ako sinasagot, maging sa pamamagitan ng mga propeta, ni ng panaginip man; kaya tinawag kita upang sabihin mo sa akin kung ano ang aking gagawin.” At sinabi ni Samuel, “Bakit ka pa nagtatanong sa akin, gayong ang PANGINOON ay humiwalay na sa iyo at naging kaaway mo na? Ginawa ng PANGINOON ang gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ko; sapagkat inalis ng PANGINOON ang kaharian sa iyong kamay at ibinigay sa iyong kapwa Israelita na si David. Sapagkat hindi mo sinunod ang tinig ng PANGINOON, at hindi mo iginawad ang kanyang mabagsik na galit laban sa Amalek, kaya't ginawa ng PANGINOON ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito. Bukod dito'y ibibigay ng PANGINOON ang Israel sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay makakasama ko; ibibigay ng PANGINOON ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.” Pagkatapos ay biglang bumulagta si Saul sa lupa, at siya'y napuno ng takot, dahil sa mga salita ni Samuel. Nawalan siya ng lakas, sapagkat hindi siya kumain nang anuman buong araw at buong gabi.