Namatay si Samuel, at nagtipun-tipon ang buong Israel at tinangisan siya. Kanilang inilibing siya sa kanyang bahay sa Rama. At tumindig si David at lumusong sa ilang ng Paran.
May isang lalaki sa Maon na ang mga ari-arian ay nasa Carmel. Ang lalaki ay napakayaman; siya'y mayroong tatlong libong tupa at isang libong kambing. Ginugupitan niya ng balahibo ang kanyang mga tupa sa Carmel.
Ang pangalan ng lalaki ay Nabal, at ang pangalan ng kanyang asawa ay Abigail. Ang babae ay matalino at maganda, ngunit ang lalaki ay masungit at masama ang ugali. Siya'y mula sa sambahayan ni Caleb.
Nabalitaan ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kanyang mga tupa.
Kaya't nagsugo si David ng sampung kabataang lalaki at sinabi ni David sa mga kabataan, “Umahon kayo sa Carmel at pumunta kayo kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan.
Ganito ang sasabihin ninyo sa kanya: ‘Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sambahayan, at kapayapaan nawa ang dumating sa lahat ng iyong pag-aari.
Nabalitaan kong ikaw ay may mga manggugupit ng balahibo ng tupa. Ang iyong mga pastol ay naging kasama namin, at hindi namin sila sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay sa buong panahong sila ay nasa Carmel.
Tanungin mo ang iyong mga kabataang lalaki at kanilang sasabihin sa iyo. Kaya't makatagpo nawa ng biyaya sa iyong paningin ang aking mga kabataan; sapagkat kami ay naparito sa araw ng kapistahan. Hinihiling ko sa iyo na magbigay ka ng anumang mayroon ka sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na si David.’”
Nang dumating ang mga kabataang tauhan ni David, kanilang sinabi kay Nabal ang lahat ng mga salitang iyon sa pangalan ni David, at sila ay naghintay.
At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, “Sino ba si David? Sino ba ang anak ni Jesse? Maraming mga alila sa mga araw na ito ang lumalayas sa kanilang mga panginoon.
Akin bang kukunin ang aking tinapay at tubig, at ang karne na aking kinatay para sa aking mga manggugupit, at ibibigay ko sa mga taong hindi ko nalalaman kung saan nanggaling?”
Kaya't ang mga kabataang tauhan ni David ay umalis, bumalik, at sinabi sa kanya ang lahat ng mga salitang ito.
At sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ng bawat isa sa inyo ang kanyang tabak.” At nagsukbit ang bawat isa ng kanyang tabak; at si David ay nagsukbit din ng kanyang tabak. Ang umahong kasunod ni David ay may apatnaraang lalaki, samantalang ang dalawandaan ay nanatili kasama ng mga dala-dalahan.
Ngunit sinabi ng isa sa mga kabataang lalaki kay Abigail, na asawa ni Nabal, “Si David ay nagpadala ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon ngunit sila'y nilait niya.
Gayong ang mga lalaki ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay nang kami ay nasa mga parang, habang kami ay nakikisama sa kanila.
Sila'y naging aming pader sa gabi at sa araw sa buong panahong kami ay kasama nila sa pag-aalaga ng mga tupa.
Ngayon ay iyong alamin at pag-aralan mo kung ano ang iyong gagawin, sapagkat ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon at sa kanyang buong sambahayan. Siya'y may masamang ugali kaya't walang makipag-usap sa kanya.”
Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, kumuha ng dalawandaang tinapay, dalawang sisidlang balat ng alak, limang tupang nalinisan na, limang takal ng sinangag na trigo, isandaang kumpol na pasas, dalawandaang tinapay na igos, at ipinapasan ang mga ito sa mga asno.
At sinabi niya sa kanyang mga kabataang tauhan, “Mauna kayo sa akin; ako'y susunod sa inyo.” Ngunit hindi niya ito sinabi sa kanyang asawang si Nabal.
Samantalang siya'y nakasakay sa kanyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok, si David at ang kanyang mga tauhan ay lumusong patungo sa kanya, at nagkasalubong sila.
Sinabi ni David, “Tunay na walang kabuluhan na aking iningatan ang lahat ng pag-aari ng taong ito sa ilang, anupa't walang nawalang anuman sa lahat ng pag-aari niya; at ang mabuti ay ginantihan niya ng masama.
Gawin nawa ng Diyos sa mga kaaway ni David, at higit pa, kung sa umaga ay mag-iwan ako ng higit sa isang lalaki sa lahat ng pag-aari niya.”
Nang makita ni Abigail si David, siya ay nagmadali at bumaba sa asno, at nagpatirapa sa harapan ni David at yumukod sa lupa.
Siya'y nagpatirapa sa kanyang mga paa at nagsabi, “Sa akin mo na lamang ipataw ang pagkakasala, panginoon ko. Hinihiling ko sa iyo na iyong papagsalitain ang iyong lingkod sa iyong pandinig, at iyong pakinggan ang mga salita ng iyong lingkod.
Ipinapakiusap ko sa iyo, na huwag pansinin ng aking panginoon itong lalaking si Nabal na may masamang ugali, sapagkat kung ano ang kanyang pangalan ay gayon siya. Nabal ang kanyang pangalan, at ang kahangalan ay nasa kanya; ngunit akong iyong lingkod ay hindi nakakita sa mga kabataang tauhan ng aking panginoon, na iyong sinugo.