Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 23:1-14

I SAMUEL 23:1-14 ABTAG01

At kanilang sinabi kay David, “Sinalakay ng mga Filisteo ang Keila, at kanilang ninanakawan ang mga giikan.” Kaya't sumangguni si David sa PANGINOON, na nagsasabi, “Lalakad ba ako at aking sasalakayin ang mga Filisteong ito?” At sinabi ng PANGINOON kay David, “Lumakad ka at iyong salakayin ang mga Filisteo at iligtas mo ang Keila.” Ngunit sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Tingnan ninyo, tayo'y natatakot dito sa Juda; gaano pa nga kaya kung tayo ay pupunta sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?” Kaya't sumangguning muli si David sa PANGINOON. At sinabi ng PANGINOON sa kanya, “Oo, lumusong ka sa Keila; sapagkat aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.” Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Keila, nilabanan ang mga Filisteo, tinangay ang kanilang kawan, at ipinaranas sa kanila ang isang napakalaking pagkatalo. Gayon iniligtas ni David ang mga mamamayan sa Keila. Nang tumakas si Abiatar na anak ni Ahimelec patungo kay David sa Keila, siya'y lumusong na may isang efod sa kanyang kamay. At ibinalita kay Saul na si David ay pumaroon sa Keila. At sinabi ni Saul, “Ibinigay siya ng Diyos sa aking kamay; sapagkat sinarhan niya ang kanyang sarili sa kanyang pagpasok sa isang bayan na mayroong mga tarangkahan at mga halang.” Tinawag ni Saul ang buong bayan sa pakikidigma upang lumusong sa Keila at kubkubin si David at ang kanyang mga tauhan. Nang malaman ni David na nagbabalak si Saul ng masama laban sa kanya, sinabi niya kay Abiatar na pari, “Dalhin mo rito ang efod.” Nang magkagayo'y sinabi ni David, “O PANGINOON, na Diyos ng Israel, nabalitaan ng iyong lingkod na pinagsisikapan ni Saul na pumunta sa Keila upang wasakin ang lunsod dahil sa akin. Ibibigay ba ako ng mga tao sa Keila sa kanyang kamay? Lulusong ba si Saul ayon sa nabalitaan ng iyong lingkod? O PANGINOON, na Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na sabihin mo sa iyong lingkod.” At sinabi ng PANGINOON, “Siya'y lulusong.” Nang magkagayo'y sinabi ni David, “Isusuko ba ako at ang aking mga tauhan ng mga taga-Keila sa kamay ni Saul?” At sinabi ng PANGINOON, “Isusuko ka nila.” Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan na may animnaraan ay tumindig at umalis sa Keila, at sila'y pumunta kung saanman sila makakarating. Nang ibalita kay Saul na si David ay nakatakas mula sa Keila, kanyang itinigil na ang pagsalakay. Si David ay nanatili sa mga kuta sa ilang at tumira sa lupaing maburol sa ilang ng Zif. At hinanap siya ni Saul araw-araw, ngunit hindi siya ibinigay ng Diyos sa kanyang kamay.