Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 23:1-14

1 Samuel 23:1-14 ASND

Isang araw ibinalita kay David na sinasalakay ng mga Filisteo ang Keila at sinasamsam ang mga trigo sa giikan. Nagtanong si David sa PANGINOON, “Sasalakayin ko po ba ang mga Filisteo?” Sumagot ang PANGINOON, “Sige, salakayin mo sila at iligtas mo ang Keila.” Pero sinabi ng mga tauhan ni David, “Dito pa nga lang po sa Juda ay natatakot na kami, lalo pa kaya kung pupunta kami sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo.” Muling nagtanong si David sa PANGINOON, at sinabi ng PANGINOON, “Pumunta ka sa Keila dahil pagtatagumpayin ko kayo laban sa Filisteo.” Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo. Maraming Filisteo ang napatay nila; kinuha nila ang mga hayop nito at nailigtas nila ang mga taga-Keila. (Nang tumakas si Abiatar at pumunta kay David sa Keila, dinala niya ang espesyal na damit ng mga pari.) May nagsabi kay Saul na si David ay pumunta sa Keila. Kaya sinabi ni Saul, “Ibinigay na siya ng Dios sa akin, para na niyang ibinilanggo ang kanyang sarili sa pagpasok sa bayan na napapalibutan ng pader.” Tinipon ni Saul ang lahat ng tauhan niya para pumunta sa Keila at lusubin si David at ang mga tauhan niya. Nang malaman ni David ang plano ni Saul, sinabihan niya ang paring si Abiatar na kunin ang espesyal na damit ng mga pari. Nanalangin si David, “O PANGINOON, Dios ng Israel nabalitaan po ng inyong lingkod na nagpaplano si Saul na pumunta rito sa Keila para wasakin ang bayang ito dahil sa akin. Pupunta po ba talaga rito si Saul gaya ng narinig ko? Ibibigay po ba ako ng mga mamamayan ng Keila kay Saul? O PANGINOONG Dios ng Israel, sagutin po ninyo ang inyong lingkod.” Sumagot ang PANGINOON, “Oo, pupunta siya rito.” Muling nagtanong si David, “Ako at ang aking mga tauhan ba ay ipapaubaya ng mga mamamayan ng Keila sa kamay ni Saul?” Sumagot ang PANGINOON. “Oo, ipapaubaya nila kayo.” Kaya umalis si David sa Keila kasama ang kanyang 600 na tauhan at nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nang mabalitaan ni Saul na tumakas na si David mula sa Keila, hindi na siya pumunta roon. Nagtago si David sa mga kuta sa ilang at sa kaburulan ng disyerto ng Zif. Araw-araw ay hinahanap siya ni Saul, pero hindi siya ibinigay ng Dios kay Saul.