I SAMUEL 20
20
Tinulungan ni Jonathan si David
1Si David ay tumakas mula sa Najot na nasa Rama. Siya'y dumating doon at sinabi niya kay Jonathan, “Ano bang aking nagawa? Ano ang aking pagkakasala? At ano ang aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kanyang pagtangkaan ang aking buhay?”
2At sinabi niya sa kanya, “Malayong mangyari iyon! Hindi ka mamamatay. Ang aking ama ay hindi gumagawa ng anumang bagay na malaki o maliit na hindi niya ipinaaalam sa akin; at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? Hindi gayon.”
3Subalit sumagot muli si David, “Nalalaman ng iyong ama na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at kanyang iniisip, ‘Huwag itong ipaalam kay Jonathan, baka siya'y maghinagpis.’ Ngunit sa katotohanan, habang buháy ang Panginoon, at buháy ka, iisang hakbang ang nasa pagitan ko at sa kamatayan.”
4Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, “Anumang nais ng iyong kaluluwa ay gagawin ko para sa iyo.”
5Kaya't#Bil. 28:11 sinabi ni David kay Jonathan, “Bukas ay bagong buwan, at hindi maaaring hindi ko saluhan sa pagkain ang hari; ngunit bayaan mo akong umalis upang makapagtago sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.
6Kapag ako'y hinanap ng iyong ama, iyo ngang sabihing, ‘Nakiusap sa akin si David na siya'y papuntahin sa Bethlehem na kanyang bayan, sapagkat doon ay mayroong taunang paghahandog para sa buong angkan.’
7Kung kanyang sabihing, ‘Mabuti!’ ang iyong lingkod ay matitiwasay; ngunit kung siya'y magalit, tandaan mo na ang kasamaan ay ipinasiya na niya.
8Kaya't gawan mo ng mabuti ang iyong lingkod sapagkat dinala mo ang iyong lingkod sa isang banal na pakikipagtipan sa iyo. Ngunit kung mayroon akong pagkakasala ay ikaw mismo ang pumatay sa akin, sapagkat bakit mo pa ako dadalhin sa iyong ama?”
9At sinabi ni Jonathan, “Malayong mangyari iyon. Kung alam ko na ipinasiya ng aking ama na ang kasamaan ay sumapit sa iyo, hindi ko ba sasabihin sa iyo?”
10Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, “Sino ang magsasabi sa akin kung ang iyong ama ay sumagot sa iyo nang may galit?”
11At sinabi ni Jonathan kay David, “Halika, tayo'y lumabas sa parang.” At sila'y kapwa lumabas sa parang.
12Sinabi ni Jonathan kay David, “Sa pamamagitan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel! Kapag natunugan ko na ang aking ama, sa mga oras na ito, bukas, o sa ikatlong araw, kapag mabuti na ang kalooban niya kay David, hindi ko ba ipapaabot at ipapaalam sa iyo?
13Ngunit kung gusto ng aking ama na gawan ka ng masama, ay gawin ng Panginoon kay Jonathan at higit pa, kapag hindi ko ipaalam sa iyo at paalisin ka, upang ligtas kang makaalis. Ang Panginoon nawa ay sumama sa iyo gaya ng pagiging kasama siya ng aking ama.
14Kung ako'y buháy pa, ipakita mo sa akin ang tapat na pag-ibig ng Panginoon, ngunit kung ako'y mamatay;
15huwag#2 Sam. 9:1 mong puputulin ang iyong kagandahang-loob sa aking sambahayan, kahit ginantihan na ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.”
16Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sambahayan ni David, na sinasabi, “Gantihan nawa ng Panginoon ang mga kaaway ni David.”
17Muling pinasumpa ni Jonathan si David ng pagmamahal niya sa kanya; sapagkat kanyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sariling buhay.#20:17 Sa Hebreo ay kaluluwa.
18Pagkatapos ay sinabi ni Jonathan sa kanya, “Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay hahanapin sapagkat walang uupo sa iyong upuan.
19Sa ikatlong araw ay bumaba ka agad at pumunta ka sa lugar na iyong pinagtaguan nang araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng batong Ezel.
20Ako'y papana ng tatlong palaso sa tabi niyon na parang ako'y may pinatatamaan.
21Pagkatapos, aking susuguin ang bata na sinasabi, ‘Hanapin mo ang mga palaso.’ Kung aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay narito sa dako mo rito, kunin ang mga iyon,’ kung gayon ay pumarito ka, sapagkat habang buháy ang Panginoon, ligtas para sa iyo at walang panganib.
22Ngunit kapag aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay nasa kabila mo pa roon,’ ay umalis ka na, sapagkat pinaaalis ka ng Panginoon.
23Tungkol sa bagay na ating pinag-usapan, ang Panginoon ay nasa pagitan natin magpakailanman.”
24Kaya't nagkubli si David sa parang. Nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupo upang kumain.
25Umupo ang hari sa kanyang upuan gaya nang kinaugalian niya, sa upuang nasa tabi ng dingding. Umupo sa tapat si Jonathan, samantalang nakaupo si Abner sa tabi ni Saul, ngunit sa upuan ni David ay walang nakaupo.
26Gayunma'y hindi nagsalita si Saul ng anuman sa araw na iyon, sapagkat kanyang iniisip, “May nangyari sa kanya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.”
27Subalit nang ikalawang araw, kinabukasan pagkaraan ng bagong buwan, sa upuan ni David ay walang nakaupo. Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak, “Bakit wala pa ang anak ni Jesse upang kumain, kahit kahapon, o ngayon?”
28Sumagot si Jonathan kay Saul, “Nakiusap si David na hayaan ko siyang pumunta sa Bethlehem;
29kanyang sinabi, ‘Nakikiusap ako sa iyo na hayaan mo akong umalis sapagkat ang aming angkan ay may paghahandog sa bayan at iniutos sa akin ng aking kapatid na pumunta roon. Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hayaan mo akong umalis at makita ko ang aking mga kapatid.’ Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nakarating sa hapag ng hari.”
30Nang magkagayo'y nag-init ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw na anak ng isang masama at mapaghimagsik na babae! Hindi ko ba alam na iyong pinili ang anak ni Jesse sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?
31Sapagkat habang nabubuhay ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw ni ang iyong kaharian ay hindi mapapanatag. Kaya't ngayo'y ipasundo mo at dalhin siya sa akin, sapagkat siya'y tiyak na mamamatay.”
32At sumagot si Jonathan kay Saul na kanyang ama, “Bakit kailangang siya'y patayin? Anong kanyang ginawa?”
33Ngunit siya ay sinibat ni Saul upang patayin siya; kaya't nalaman ni Jonathan na ipinasiya ng kanyang ama na patayin si David.
34Kaya't galit na galit na tumindig si Jonathan sa hapag at hindi kumain nang ikalawang araw ng buwan sapagkat siya'y nagdalamhati para kay David, yamang hiniya siya ng kanyang ama.
35Kinaumagahan, si Jonathan ay pumunta sa parang ayon sa napag-usapan nila ni David, at kasama niya ang isang munting bata.
36Sinabi niya sa bata, “Takbo, hanapin mo ang mga palaso na aking ipinana.” Habang tumatakbo ang bata, kanyang ipinana ang palaso sa unahan niya.
37Nang dumating ang bata sa lugar ng palaso na ipinana ni Jonathan, tinawagan ni Jonathan ang bata, at sinabi, “Hindi ba ang palaso ay nasa unahan mo?”
38At tinawagan ni Jonathan ang bata, “Bilis, magmadali ka, huwag kang tumigil.” Kaya't pinulot ng batang kasama ni Jonathan ang mga palaso, at pumunta sa kanyang panginoon.
39Ngunit walang nalalamang anuman ang bata. Sina Jonathan at David lamang ang nakakaalam ng tungkol sa kasunduan.
40Ibinigay ni Jonathan ang kanyang sandata sa bata at sinabi sa kanya, “Umalis ka na at dalhin mo ang mga ito sa lunsod.”
41Pagkaalis ng bata, si David ay tumindig mula sa tabi ng bato#20:41 Sa Hebreo ay mula sa tabi ng timog. at sumubsob sa lupa, at yumukod ng tatlong ulit. Hinalikan nila ang isa't isa, kapwa umiyak ngunit si David ay umiyak nang labis.
42At sinabi ni Jonathan kay David, “Umalis kang payapa, yamang tayo'y kapwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, ‘Ang Panginoon ay lalagay sa pagitan natin, at sa pagitan ng aking mga anak at ng iyong mga anak, magpakailanman.’” At siya'y tumayo at umalis; at pumasok si Jonathan sa lunsod.#20:42 Ang pangungusap na ito ay 21:1 sa Hebreo.
Kasalukuyang Napili:
I SAMUEL 20: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001