Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 2:1-11

I SAMUEL 2:1-11 ABTAG01

Si Ana ay nanalangin din at sinabi, “Nagagalak ang aking puso sa PANGINOON; ang aking lakas ay itinataas sa PANGINOON. Tinutuya ng aking bibig ang aking mga kaaway; sapagkat ako'y nagagalak sa iyong kaligtasan. “Walang banal na gaya ng PANGINOON; sapagkat walang iba maliban sa iyo, walang batong gaya ng aming Diyos. Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan; huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan; sapagkat ang PANGINOON ay Diyos ng kaalaman, at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang. Nabali ang mga pana ng mga makapangyarihan, ngunit ang mahihina ay nagbigkis ng kalakasan. Ang mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay; subalit ang dating gutom, gutom nila'y naparam. Ang baog ay pito ang isinilang, ngunit ang may maraming anak ay namamanglaw. Ang PANGINOON ay pumapatay at bumubuhay; siya ang nagbababa sa Sheol at nag-aahon. Ang PANGINOON ay nagpapadukha at nagpapayaman; siya ang nagpapababa, at siya rin ay nagpaparangal. Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok, itinataas niya ang nangangailangan mula sa bunton ng abo, upang sila'y paupuing kasama ng mga pinuno, at magmana ng trono ng karangalan. Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa PANGINOON, at sa mga iyon ay ipinatong niya ang sanlibutan. “Kanyang iingatan ang mga paa ng kanyang mga banal; ngunit ang masama ay ihihiwalay sa kadiliman; sapagkat hindi dahil sa lakas na ang tao'y nagtatagumpay. Ang mga kaaway ng PANGINOON ay madudurog; laban sa kanila sa langit siya'y magpapakulog. Hahatulan ng PANGINOON ang mga dulo ng lupa; bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari, at itataas ang kapangyarihan ng kanyang hinirang.” Pagkatapos si Elkana ay umuwi sa Rama. At ang batang lalaki ay naglingkod sa PANGINOON sa harapan ni Eli na pari.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa I SAMUEL 2:1-11