Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel kay Saul, “Tumigil ka! Aking sasabihin sa iyo kung ano ang sinabi ng PANGINOON sa akin sa gabing ito.” At sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo.” At sinabi ni Samuel, “Bagaman ikaw ay maliit sa iyong sariling paningin, hindi ba ikaw ay ginawang pinuno ng mga lipi ng Israel? At hinirang ka ng PANGINOON upang maging hari sa Israel. Sinugo ka ng PANGINOON sa isang takdang gawain, at sinabi, ‘Humayo ka at ganap mong puksain ang mga makasalanang Amalekita, at labanan mo sila hanggang sa sila'y maubos.’ Bakit hindi mo sinunod ang tinig ng PANGINOON, kundi ikaw ay dumaluhong sa samsam, at ginawa mo ang masama sa paningin ng PANGINOON?” Sinabi ni Saul kay Samuel, “Oo, aking sinunod ang tinig ng PANGINOON, at ako'y pumunta sa daang pinagsuguan sa akin ng PANGINOON. Aking dinala si Agag na hari ng Amalek, at aking pinatay na lahat ang mga Amalekita. Ngunit ang taong-bayan ay kumuha mula sa mga samsam, sa mga tupa at baka, ng pinakamabuti sa mga itinalagang bagay upang ihandog sa PANGINOON mong Diyos sa Gilgal.” At sinabi ni Samuel, “Ang PANGINOON kaya ay may malaking kasiyahan sa mga handog na sinusunog at sa mga alay, gaya ng pagsunod sa tinig ng PANGINOON? Tiyak, ang pagsunod ay mas mabuti kaysa alay, at ang pakikinig kaysa taba ng mga tupang lalaki. Sapagkat ang paghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo ay gaya ng katampalasanan at pagsamba sa mga diyus-diyosan. Sapagkat itinakuwil mo ang salita ng Panginoon, itinakuwil ka rin niya sa pagiging hari.”
Basahin I SAMUEL 15
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: I SAMUEL 15:16-23
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas