Si Saul ay … taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng … at dalawang taon sa Israel. Pumili si Saul ng tatlong libong lalaki sa Israel. Ang dalawang libo ay kasama ni Saul sa Mikmas at sa maburol na lupain ng Bethel, at ang isang libo ay kasama ni Jonathan sa Gibea ng Benjamin. Ang nalabi sa mga tao ay pinauwi niya, bawat isa sa kanyang tolda. Ginapi ni Jonathan ang tanggulan ng mga Filisteo na nasa Geba at ito ay nabalitaan ng mga Filisteo. At hinipan ni Saul ang trumpeta sa buong lupain, na sinasabi, “Makinig ang mga Hebreo.” At narinig ng buong Israel na nagapi ni Saul ang tanggulan ng mga Filisteo, at ang Israel naman ay naging kasuklamsuklam sa mga Filisteo. At ang taong-bayan ay tinawagan upang sumanib kay Saul sa Gilgal. Ang mga Filisteo ay nagtipun-tipon upang lumaban sa Israel, tatlumpung libong karwahe at anim na libong mangangabayo, at ang hukbo ay gaya ng buhangin sa baybayin ng dagat sa dami; at sila'y umahon at humimpil sa Mikmas sa silangan ng Bet-haven. Nang makita ng mga kalalakihan ng Israel na sila'y nasa kagipitan, (sapagkat ang taong-bayan ay naiipit) ang taong-bayan ay nagkubli sa mga yungib, mga lungga, batuhan, mga libingan, at sa mga balon. Ang iba sa mga Hebreo ay tumawid sa Jordan patungo sa lupain ng Gad at ng Gilead; ngunit si Saul ay nasa Gilgal at ang buong bayan ay sumunod sa kanya na nanginginig. Siya'y naghintay ng pitong araw ayon sa panahong itinakda ni Samuel; ngunit si Samuel ay hindi dumating sa Gilgal; at ang taong-bayan ay nagsimulang humiwalay kay Saul. Kaya't sinabi ni Saul, “Dalhin dito sa akin ang handog na susunugin, at ang handog pangkapayapaan.” At kanyang inialay ang handog na sinusunog. Pagkatapos niyang maialay ang handog na sinusunog, si Samuel ay dumating. Lumabas si Saul upang salubungin siya at batiin. Sinabi ni Samuel, “Anong ginawa mo?” At sinabi ni Saul, “Nang aking makita na ang taong-bayan ay humihiwalay sa akin, at hindi ka dumating sa loob ng mga takdang araw, at ang mga Filisteo ay nagkatipon sa Mikmas; ay aking sinabi, ‘Ngayo'y lulusungin ako ng mga Filisteo sa Gilgal, at hindi ko pa nahihingi ang biyaya ng PANGINOON;’ kaya't pinilit ko ang aking sarili at inialay ko ang handog na sinusunog.” Sinabi ni Samuel kay Saul, “Kahangalan ang ginagawa mo. Hindi mo tinupad ang utos ng PANGINOON mong Diyos na iniutos niya sa iyo. Ngayo'y itinatag sana ng PANGINOON ang iyong kaharian sa Israel magpakailanman. Ngunit ngayon ay hindi na magpapatuloy ang iyong kaharian. Ang PANGINOON ay humanap na ng isang lalaking ayon sa kanyang sariling puso, at itinalaga siya ng PANGINOON upang maging pinuno sa kanyang bayan, sapagkat hindi mo tinupad ang iniutos ng PANGINOON sa iyo.”
Basahin I SAMUEL 13
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: I SAMUEL 13:1-14
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas