Mga minamahal, ipinapakiusap ko sa inyo bilang mga dayuhan at ipinatapon, na kayo'y umiwas sa mga pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa. Maging marangal ang inyong pag-uugali sa gitna ng mga Hentil upang kung magsalita sila laban sa inyo na parang kayo'y gumagawa ng kasamaan, ay makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng pagdalaw. Pasakop kayo sa bawat pamahalaan ng tao alang-alang sa Panginoon, maging sa hari, na kataas-taasan, o sa mga gobernador na sinugo niya upang parusahan ang mga gumagawa ng masama at parangalan ang mga gumagawa ng mabuti. Sapagkat gayon ang kalooban ng Diyos na dahil sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong hangal. Mamuhay kayo nang tulad sa taong malalaya, ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan bilang balabal ng kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos. Igalang ninyo ang lahat ng mga tao. Ibigin ninyo ang kapatiran. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari. Mga alipin, magpasakop kayo nang may buong paggalang sa inyong mga amo; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi gayundin sa mababagsik. Sapagkat ito'y kapuri-puri, kung dahil sa pagkakilala sa Diyos ay nagtiis ang sinuman ng sakit habang nagdurusa nang hindi nararapat. Sapagkat anong pakinabang nga, na kapag kayo'y nagkakasala at hinahampas dahil dito, ay inyong tinatanggap na may pagtitiis? Ngunit kung kayo'y gumagawa ng mabuti at kayo'y nagdurusa dahil dito at inyong tinatanggap na may pagtitiis, ito'y kalugud-lugod sa Diyos. Sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, sapagkat si Cristo man ay nagdusa alang-alang sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang sumunod kayo sa kanyang mga yapak. “Siya'y hindi nagkasala, at walang natagpuang pandaraya sa kanyang bibig.” Nang siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y magdusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kanyang sarili doon sa humahatol na may katarungan. Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kanyang katawan sa punungkahoy, upang tayo'y mamatay sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran; dahil sa kanyang mga sugat ay gumaling kayo.
Basahin I PEDRO 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: I PEDRO 2:11-24
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas