Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 7:1-12

I MGA HARI 7:1-12 ABTAG01

Itinayo ni Solomon ang kanyang sariling bahay sa loob ng labintatlong taon, at kanyang natapos ang kanyang buong bahay. Kanyang itinayo ang Bahay sa Gubat ng Lebanon; ang haba ay isandaang siko, at ang luwang ay limampung siko, at ang taas ay tatlumpung siko, sa apat na hanay na haliging sedro na may mga bigang sedro sa ibabaw ng mga haligi. Natatakpan ito ng sedro sa ibabaw ng mga silid na nasa ibabaw ng apatnapu't limang haligi, labinlima sa bawat hanay. May mga balangkas ng bintana na tatlong hanay, at bintana sa katapat na bintana na tatlong hanay. Ang lahat ng pintuan at mga bintana ay pawang parisukat ang mga balangkas, at ang mga bintana ay magkakatapat sa tatlong hanay. Siya'y gumawa ng Bulwagan ng mga Haligi; ang haba niyon ay limampung siko, at ang luwang niyon ay tatlumpung siko, at may isang pasilyo na nasa harap ng mga iyon na may mga haligi at may lambong sa harap ng mga iyon. Siya'y gumawa ng Bulwagan ng Trono kung saan niya ipinahahayag ang kanyang hatol, samakatuwid ay ang Bulwagan ng Paghuhukom. Nababalot iyon ng sedro mula sa sahig hanggang sa kisame. At ang bahay na kanyang tirahan sa isa pang looban sa likod ng bulwagan ay pareho ang pagkakagawa. Iginawa rin ni Solomon ng bahay na tulad ng bulwagang ito ang anak na babae ni Faraon na naging asawa niya. Ang lahat ng ito'y gawa sa mamahaling bato, mga batong tinabas ayon sa sukat, na nilagari ng mga lagari, sa likod at sa harap, mula sa mga saligan hanggang sa kataas-taasan, at mula sa bulwagan ng bahay ng PANGINOON hanggang sa malaking bulwagan. Ang saligan ay mga mamahaling bato, malalaking bato, mga batong may walo at sampung siko. Sa ibabaw ay mga mamahaling bato na mga batong tinabas ayon sa sukat, at sedro. At ang malaking bulwagan sa palibot ay may tatlong hanay ng batong tinabas, at isang hanay ng mga bigang sedro; gaya ng pinakaloob na bulwagan ng bahay ng PANGINOON, at ng pasilyo ng bahay.