Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 3:1-15

I MGA HARI 3:1-15 ABTAG01

Si Solomon ay nagkaroon ng pakikipagkaibigan kay Faraon na hari sa Ehipto sa pamamagitan ng pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, at dinala niya ito sa lunsod ni David, hanggang sa kanyang natapos itayo ang kanyang sariling bahay, ang bahay ng PANGINOON, at ang pader sa palibot ng Jerusalem. Ang taong-bayan ay naghahandog sa matataas na dako, sapagkat wala pang bahay na naitayo sa pangalan ng PANGINOON hanggang sa mga araw na iyon. Minahal ni Solomon ang PANGINOON, at lumakad sa mga tuntunin ni David na kanyang ama. Kaya lang, siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako. At ang hari ay naparoon sa Gibeon upang mag-alay doon, sapagkat iyon ang pinakamataas na dako. Si Solomon ay naghandog sa dambanang iyon ng libong handog na sinusunog. Sa Gibeon ay nagpakita ang PANGINOON kay Solomon sa panaginip sa gabi, at sinabi ng Diyos, “Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.” At sinabi ni Solomon, “Ikaw ay nagpakita ng dakila at tapat na pag-ibig sa iyong lingkod na si David na aking ama, sapagkat siya'y lumakad sa harap mo sa katapatan, at sa katarungan, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan para sa kanya itong dakila at tapat na pag-ibig at iyong binigyan siya ng isang anak na luluklok sa kanyang trono, sa araw na ito. Ngayon, O PANGINOON kong Diyos, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; bagaman ako'y isang musmos lamang; hindi ko nalalaman ang paglabas at pagpasok. At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan. Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang mapag-unawang isipan upang pamahalaan ang iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagkat sino ang makakapamahala dito sa iyong malaking bayan?” Ikinalugod ng Panginoon na ito ang hiningi ni Solomon. At sinabi ng Diyos sa kanya, “Sapagkat iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi para sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man para sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi ang hiningi mo para sa iyo'y karunungan upang kumilala ng matuwid, narito, aking ginagawa ngayon ayon sa iyong salita. Narito, binibigyan kita ng isang pantas at matalinong pag-iisip, na anupa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinumang tulad mo pagkamatay mo. Ibinibigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiningi, ang kayamanan at ang karangalan, anupa't walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga araw. Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos, gaya ng paglakad ng iyong amang si David, ay aking pahahabain ang iyong mga araw.” At nagising si Solomon, iyon ay isang panaginip. Pagkatapos siya'y naparoon sa Jerusalem, at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng PANGINOON. Siya ay nag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, at gumawa ng kasayahan sa lahat ng kanyang mga lingkod.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa I MGA HARI 3:1-15