Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 2:2-46

I MGA HARI 2:2-46 ABTAG01

“Ako'y patungo na sa daan ng buong lupa. Magpakalakas ka at magpakalalaki; at ingatan mo ang bilin ng PANGINOON mong Diyos. Lumakad ka sa kanyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga tuntunin, mga utos, mga batas, at mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises, upang ikaw ay magtagumpay sa lahat ng iyong ginagawa, at maging saan ka man bumaling. Upang pagtibayin ng PANGINOON ang kanyang salita na kanyang sinabi tungkol sa akin, na sinasabi, ‘Kung ang iyong mga anak ay mag-iingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko na may katapatan ng kanilang buong puso at ng kanilang buong kaluluwa, hindi ka mawawalan ng lalaki sa trono ng Israel.’ “Bukod dito'y alam mo rin ang ginawa ni Joab na anak ni Zeruia sa akin, ang ginawa niya sa dalawang pinuno ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jeter na kanyang pinaslang at nagpadanak ng dugo ng digmaan sa kapayapaan. At kanyang inilagay ang dugo ng digmaan sa kanyang sinturon na nasa kanyang baywang at sa loob ng kanyang mga sandalyas na nasa kanyang mga paa. Kaya't kumilos ka ayon sa iyong karunungan, at huwag mong hayaang ang kanyang uban sa ulo ay bumabang payapa sa Sheol. Ngunit pagpakitaan mo ng kagandahang-loob ang mga anak ni Barzilai na Gileadita, at maging kabilang sila sa kumakain sa iyong hapag; sapagkat gayon sila naging tapat sa akin nang ako'y tumakas kay Absalom na iyong kapatid. Nasa iyo rin si Shimei na anak ni Gera na Benjaminita, na taga-Bahurim, na lumait sa akin ng matindi nang araw na ako'y pumaroon sa Mahanaim, ngunit nang lumusong siya upang salubungin ako sa Jordan, ay isinumpa ko sa kanya sa PANGINOON, na sinasabi, ‘Hindi kita papatayin ng tabak.’ Ngayon nga'y huwag mo siyang ituring na walang sala, sapagkat ikaw ay lalaking matalino at malalaman mo kung ano ang dapat gawin sa kanya, at iyong ibababa na may dugo ang kanyang uban sa ulo sa Sheol.” Pagkatapos, si David ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David. Ang mga panahon na naghari si David sa Israel ay apatnapung taon; pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. At si Solomon ay umupo sa trono ni David na kanyang ama, at ang kanyang kaharian ay matibay na itinatag. Pagkatapos, si Adonias na anak ni Hagit ay naparoon kay Batseba na ina ni Solomon. Kanyang sinabi, “Naparito ka bang payapa?” At sinabi niya, “Payapa.” Sinabi pa niya, “Mayroon pa akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Sabihin mo.” At kanyang sinabi, “Alam mo na ang kaharian ay naging akin, at umasa ang buong Israel na ako ang maghahari; ngunit ang kaharian ay nagbago, at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ay kanya mula sa PANGINOON. Ngayo'y mayroon akong isang kahilingan sa iyo, huwag mo akong tanggihan.” At sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo.” At kanyang sinabi, “Ipinapakiusap ko sa iyo na iyong hingin kay Haring Solomon, sapagkat hindi ka niya tatanggihan, na ibigay niya sa akin si Abisag na Sunamita bilang asawa.” Sinabi ni Batseba, “Mabuti; ako'y makikipag-usap sa hari para sa iyo.” Kaya't si Batseba ay pumaroon kay Haring Solomon upang ipakiusap sa kanya si Adonias. Tumindig ang hari upang salubungin siya at yumukod siya sa kanya. Pagkatapos ay umupo siya sa kanyang trono, at nagpakuha ng upuan para sa ina ng hari. Si Batseba ay umupo sa kanyang kanan. Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ako'y may isang munting kahilingan sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” At sinabi ng hari sa kanya, “Hilingin mo, ina ko, sapagkat hindi kita tatanggihan.” Sinabi ni Batseba, “Ibigay mong asawa si Abisag na Sunamita sa iyong kapatid na si Adonias.” At si Haring Solomon ay sumagot, at nagsabi sa kanyang ina, “At bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonias? Hilingin mo na rin para sa kanya ang kaharian; sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid. At nasa kanyang panig si Abiatar na pari at si Joab na anak ni Zeruia.” Nang magkagayo'y sumumpa si Haring Solomon sa PANGINOON, na sinasabi, “Hatulan ako ng Diyos, at lalo na, kung hindi ang buhay ni Adonias ang maging kabayaran sa salitang ito! Ngayon, habang nabubuhay ang PANGINOON na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa trono ni David na aking ama, at siyang gumawa para sa akin ng isang bahay, gaya ng kanyang ipinangako, tunay na si Adonias ay papatayin sa araw na ito.” Isinugo ni Haring Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada at kanyang sinunggaban si Adonias at siya'y namatay. Sinabi ng hari kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa Anatot, sa iyong sariling bukid. Ikaw ay karapat-dapat na mamatay, ngunit sa panahong ito'y hindi kita papatayin, sapagkat iyong pinasan ang kaban ng Panginoong DIYOS sa harap ni David na aking ama, at sapagkat ikaw ay nakibahagi sa lahat ng kahirapan ng aking ama.” Kaya't tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari sa PANGINOON, upang kanyang matupad ang salita ng PANGINOON, na kanyang sinabi sa Shilo tungkol sa sambahayan ni Eli. Nang ang balita ay dumating kay Joab, sapagkat si Joab ay kumampi kay Adonias, bagaman hindi siya kumampi kay Absalom, si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng PANGINOON, at humawak sa mga sungay ng dambana. Nang ibalita kay Haring Solomon na, “Si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng PANGINOON, siya'y nasa tabi ng dambana.” Nang magkagayo'y sinugo ni Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada, na sinasabi, “Humayo ka, sunggaban mo siya.” Si Benaya ay pumunta sa Tolda ng PANGINOON, at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Lumabas ka.’” At kanyang sinabi, “Hindi. Dito ako mamamatay.” Muling ipinaabot ni Benaya sa hari ang salita, na sinasabi, “Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin.” Sinabi ng hari sa kanya, “Gawin kung paano ang sinabi niya, at patayin mo siya at ilibing upang iyong maalis ang dugong pinadanak ni Joab nang walang kadahilanan sa akin at sa sambahayan ng aking ama. Ibabalik ng PANGINOON ang kanyang madudugong gawa sa kanyang sariling ulo, sapagkat kanyang sinunggaban ang dalawang lalaki na lalong matuwid at mas mabuti kaysa kanya, at pinatay ng tabak, nang hindi nalalaman ng aking amang si David. Siya ay si Abner na anak ni Ner, na pinuno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jeter, na pinuno ng hukbo ng Juda. Kaya't ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kanyang binhi magpakailanman. Ngunit kay David, sa kanyang binhi, at sa kanyang sambahayan, sa kanyang trono ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailanman mula sa PANGINOON.” Nang magkagayo'y umahon si Benaya na anak ni Jehoiada, siya'y sinunggaban at pinatay; at siya'y inilibing sa kanyang sariling bahay sa ilang. At inilagay ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada na kahalili niya sa hukbo, at si Zadok na pari ay inilagay ng hari bilang kahalili ni Abiatar. Pagkatapos, ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at sinabi sa kanya, “Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at manirahan roon, at huwag kang umalis mula roon patungo saanmang lugar. Sapagkat sa araw na ikaw ay lumabas at tumawid sa batis ng Cedron, dapat mong alamin na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ang iyong dugo ay sasaiyong sariling ulo.” At sinabi ni Shimei sa hari, “Ang sinabi mo ay mabuti. Kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod.” At si Shimei ay tumira sa Jerusalem ng maraming araw. Ngunit sa katapusan ng tatlong taon, dalawa sa mga alipin ni Shimei ay lumayas, at pumaroon kay Achis, na anak ni Maaca, hari sa Gat. At kanilang sinabi kay Shimei, “Narito, ang iyong mga alipin ay nasa Gat.” Tumindig si Shimei, inihanda ang kanyang asno, at nagtungo sa Gat kay Achis, upang hanapin ang kanyang mga alipin. Si Shimei ay umalis at kinuha ang kanyang mga alipin mula sa Gat. Nang ibalita kay Solomon na si Shimei ay naparoon sa Gat mula sa Jerusalem, at bumalik uli, ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at nagsabi sa kanya, “Di ba pinasumpa kita sa PANGINOON, at taimtim na ipinayo ko sa iyo, ‘Dapat mong malaman na sa araw na lumabas ka at pumunta saanman ay tiyak na mamamatay ka’? At iyong sinabi sa akin, ‘Ang iyong sinabi na aking narinig ay mabuti.’ Bakit hindi mo iningatan ang iyong sumpa sa PANGINOON, at ang utos na aking ibinilin sa iyo?” Sinabi pa ng hari kay Shimei, “Alam mo sa iyong puso ang lahat ng kasamaan na iyong ginawa kay David na aking ama. Kaya't ibabalik ng PANGINOON ang iyong kasamaan sa iyong sariling ulo. Ngunit si Haring Solomon ay pagpapalain, at ang trono ni David ay magiging matatag sa harap ng PANGINOON magpakailanman.” Sa gayo'y inutusan ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada; at siya'y lumabas, at dinaluhong siya, at siya'y namatay. Sa gayo'y tumatag ang kaharian sa kamay ni Solomon.