Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 18:1-17

I MGA HARI 18:1-17 ABTAG01

Pagkaraan ng maraming araw, ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Elias nang ikatlong taon, na nagsasabi, “Humayo ka. Magpakita ka kay Ahab at ako'y magpapaulan sa lupa.” Kaya't si Elias ay humayo at nagpakita kay Ahab. Noon, ang taggutom ay malubha sa Samaria. Tinawag ni Ahab si Obadias na siyang katiwala sa bahay. (Si Obadias nga ay lubhang natatakot sa PANGINOON. Sapagkat nang itiwalag ni Jezebel ang mga propeta ng PANGINOON, kumuha si Obadias ng isandaang propeta, at ikinubli na lima-limampu sa isang yungib, at pinakain sila ng tinapay at tubig.) At sinabi ni Ahab kay Obadias, “Libutin mo ang lupain, hanggang sa lahat ng mga bukal ng tubig at mga libis. Marahil tayo'y makakatagpo ng damo, at maililigtas nating buháy ang mga kabayo at mga mola upang huwag tayong mawalan ng hayop.” Kaya't pinaghatian nila ang lupain sa gitna nila upang lakarin. Si Ahab ay lumakad ng kanyang sarili sa isang daan, at si Obadias ay lumakad ng kanyang sarili sa kabilang daan. Samantalang si Obadias ay nasa daan, nakasalubong siya ni Elias. Kanyang nakilala siya, at nagpatirapa, at nagsabi, “Ikaw ba iyan, ang panginoon kong Elias?” Siya'y sumagot sa kanya, “Ako nga. Humayo ka. Sabihin mo sa iyong panginoon, narito si Elias.” At kanyang sinabi, “Saan ako nagkasala at ibibigay mo ang iyong lingkod sa kamay ni Ahab upang ako'y patayin?” Habang buháy ang PANGINOON mong Diyos, walang bansa o kaharian man na roo'y hindi ka hinanap ng aking panginoon. Kapag kanilang sinasabi, ‘Siya'y wala rito, kanyang pinasusumpa ang kaharian at bansa na hindi kinatatagpuan sa iyo. At ngayo'y iyong sinasabi, ‘Humayo ka, sabihin mo sa iyong panginoon na narito si Elias.’ Pagkaalis na pagkaalis ko sa iyo, dadalhin ka ng Espiritu ng PANGINOON sa hindi ko nalalaman; at kapag ako'y pumaroon at sabihin ko kay Ahab, at hindi ka niya natagpuan, papatayin niya ako, bagaman akong iyong lingkod ay may takot sa PANGINOON mula pa sa aking pagkabata. Hindi pa ba nasabi sa aking panginoon, kung ano ang aking ginawa nang patayin ni Jezebel ang mga propeta ng PANGINOON? Kung paanong itinago ko ang isandaan sa mga propeta ng PANGINOON, lima-limampu sa isang yungib, at pinakain ko sila ng tinapay at tubig? Ngayo'y iyong sinasabi, ‘Humayo ka, sabihin mo sa iyong panginoon, “Narito si Elias”’; papatayin niya ako.” At sinabi ni Elias, “Habang buháy ang PANGINOON ng mga hukbo, na sa harap niya'y nakatayo ako, ako'y tiyak na magpapakita sa kanya ngayon.” Sa gayo'y humayo si Obadias upang salubungin si Ahab, at sinabi sa kanya. At si Ahab ay humayo upang salubungin si Elias. Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi ni Ahab sa kanya, “Ikaw ba iyan, ikaw na nanggugulo sa Israel?”