Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Hari 18:1-17

1 Hari 18:1-17 ASND

Tatlong taon nang walang ulan. Isang araw, sinabi ng PANGINOON kay Elias, “Humayo ka at makipagkita kay Ahab, dahil pauulanin ko na.” Kaya pumunta si Elias kay Ahab. Malubha ang taggutom sa Samaria. Kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias na siyang namamahala sa palasyo niya. (Si Obadias ay lubos na gumagalang sa PANGINOON. Nang pinapatay ni Jezebel ang mga propeta ng PANGINOON, itinago ni Obadias ang 100 propeta sa dalawang kweba, 50 bawat kweba, at binigyan niya sila ng pagkain at tubig doon.) Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Puntahan natin ang lahat ng bukal at lambak sa ating bansa, baka sakaling makakita tayo ng mga damo para sa ating mga kabayo at mga mola, para hindi na natin sila kailangang katayin.” Kaya naghati sila ng lugar kung saan sila pupunta. Agad silang pumunta sa kani-kanilang direksyon. Habang naglalakad si Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya si Elias, kaya yumukod siya bilang paggalang, at sinabi, “Kayo po ba iyan, Ginoong Elias?” Sumagot si Elias, “Oo. Ngayon, humayo ka at sabihin mo sa iyong amo na si Ahab na nandito ako.” Pero sinabi ni Obadias, “Huwag po ninyong ilagay sa panganib ang buhay ko kay Ahab, dahil wala naman akong nagawang kasalanan sa inyo. Nagsasabi po ako ng totoo sa presensya ng buhay na PANGINOON na inyong Dios, na walang bansa o kaharian na hindi padadalhan ng aking amo ng tao para hanapin kayo. Kapag sinasabi ng mga pinuno ng mga bansa at mga kaharian na wala kayo sa lugar nila, pinasusumpa pa sila ni Ahab na hindi talaga nila kayo nakita. At ngayon, inuutusan nʼyo po ako na pumunta sa aking amo at sabihin sa kanya na nandito kayo? Paano kung sa sandaling pag-alis ko ay dalhin kayo ng Espiritu ng PANGINOON sa lugar na hindi ko alam? Kapag dumating si Ahab dito na wala kayo, papatayin niya ako. Pero, Ginoong Elias, mula pa sa pagkabata ko ay naglilingkod na ako sa PANGINOON. Hindi nʼyo ba nabalitaan ang ginawa ko noong pinapatay ni Jezebel ang mga propeta ng PANGINOON? Itinago ko ang 100 propeta ng PANGINOON sa dalawang kweba, 50 sa bawat kweba, at binibigyan ko sila ng pagkain at tubig doon. At ngayon inuutusan ninyo akong pumunta sa aking amo at sabihin sa kanya na nandito kayo? Papatayin po niya ako!” Sinabi ni Elias, “Sumusumpa ako sa buhay na PANGINOONG Makapangyarihan, na aking pinaglilingkuran, na makikipagkita ako kay Ahab sa araw na ito.” Kaya pumunta si Obadias kay Ahab at sinabi sa kanya na naroon si Elias, at lumakad si Ahab para makipagkita kay Elias. Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi niya, “Ikaw ba talaga iyan, ang nanggugulo sa Israel?”