At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa kanya,
“Bumangon ka. Pumaroon ka sa Zarefta na sakop ng Sidon, at manirahan ka roon. Aking inutusan ang isang balong babae roon na pakainin ka.”
Kaya't bumangon siya at pumunta sa Zarefta. Nang siya'y dumating sa pintuan ng lunsod, naroon ang isang babaing balo na namumulot ng mga patpat. Kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng kaunting tubig sa isang sisidlan upang ako'y makainom.”
Nang siya'y pumunta na upang kumuha, kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng isang pirasong tinapay.”
At sinabi niya, “Kung paanong ang PANGINOON mong Diyos ay buháy, ako'y walang nalutong anuman, tanging isang dakot na harina sa tapayan, at kaunting langis sa banga. At ngayon, ako'y namumulot ng ilang patpat upang ako'y makauwi at ihanda iyon para sa akin at sa aking anak, upang aming makain iyon, bago kami mamatay.”
Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang matakot. Humayo ka, at gawin mo ang iyong sinabi, ngunit igawa mo muna ako ng munting tinapay. Pagkatapos ay dalhin mo rito sa akin, at saka ka gumawa para sa iyo at sa iyong anak.
Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, ‘Ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang, o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang PANGINOON sa ibabaw ng lupa.’”
Siya'y humayo, at ginawa ang ayon sa sinabi ni Elias. At ang babae, siya at ang sambahayan ng babae ay kumain nang maraming araw.
Ang tapayan ng harina ay hindi nagkulang, o ang banga ng langis man ay naubusan, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Elias.