I MGA HARI 16
16
Ang Propesiya ni Jehu
1Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na nagsasabi,
2“Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel, at ikaw ay lumakad sa landas ni Jeroboam, at ikaw ang sanhi ng pagkakasala ng aking bayang Israel, upang ibunsod mo ako sa galit dahil sa kanilang mga kasalanan,
3aking lubos na lilipulin si Baasa at ang kanyang sambahayan, at gagawin ko ang iyong sambahayan na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat.
4Ang sinumang kabilang kay Baasa na mamatay sa lunsod ay kakainin ng mga aso; at ang sinumang kabilang sa kanya na mamatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid.”
5Ang iba pa sa mga gawa ni Baasa, at ang kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan#16:5 o Cronica. ng mga hari ng Israel?
6At natulog si Baasa na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Tirsa; at si Ela na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
7Bukod dito, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng Panginoon laban kay Baasa, at laban sa kanyang sambahayan, dahil sa lahat ng kasamaan na kanyang ginawa sa paningin ng Panginoon, upang galitin siya sa pamamagitan ng gawa ng kanyang mga kamay, sa pagtulad sa sambahayan ni Jeroboam, at dahil din sa paglipol niya rito.
Si Ela ay Naghari sa Israel
8Nang ikadalawampu't anim na taon ni Asa na hari ng Juda ay nagsimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Tirsa, at naghari siya ng dalawang taon.
9Ngunit ang kanyang lingkod na si Zimri na punong-kawal sa kalahati ng kanyang mga karwahe ay nakipagsabwatan laban sa kanya. Nang siya'y nasa Tirsa na umiinom na nilalasing ang sarili sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sambahayan sa Tirsa,
10pumasok si Zimri, sinalakay siya at pinatay nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari ng Juda, at siya'y naghari na kapalit niya.
11Nang siya'y magsimulang maghari, pag-upong pag-upo niya sa kanyang trono, ay kanyang pinagpapatay ang buong sambahayan ni Baasa. Hindi siya nag-iwan ng isa man lamang lalaki sa kanyang kamag-anak o sa mga kaibigan.
12Sa gayo'y nilipol ni Zimri ang buong sambahayan ni Baasa, ayon sa salita ng Panginoon, na kanyang sinabi laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta,
13dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at sa mga kasalanan ni Ela na kanyang anak, na kanilang ginawa, na sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
14Ang iba pa sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan#16:14 o Cronica. ng mga hari ng Israel?
Si Zimri ay Naghari sa Israel
15Nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, naghari si Zimri ng pitong araw sa Tirsa. Ang mga kawal ay nagkampo laban sa Gibeton na sakop ng mga Filisteo.
16At narinig ng mga kawal na nagkakampo na si Zimri ay nakipagsabwatan at kanyang pinatay ang hari; kaya't si Omri na punong-kawal ng hukbo ay ginawang hari sa Israel nang araw na iyon sa kampo.
17Kaya't si Omri ay umahon mula sa Gibeton, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Tirsa.
18Nang makita ni Zimri na ang lunsod ay nasakop na, siya'y pumunta sa kastilyo ng bahay ng hari, sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay,
19dahil sa kanyang mga kasalanan na kanyang ginawa sa pamamagitan ng paggawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, sa paglakad sa landas ni Jeroboam, at sa kanyang kasalanan na kanyang ginawa, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.
20Ang iba pa sa mga gawa ni Zimri, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan#16:20 o Cronica. ng mga hari ng Israel?
21Pagkatapos ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Tibni na anak ni Ginat, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri.
22Ngunit ang mga taong sumunod kay Omri ay nanaig laban sa mga taong sumunod kay Tibni na anak ni Ginat; sa gayo'y namatay si Tibni at naging hari si Omri.
23Nang ikatatlumpu't isang taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari ng labindalawang taon; anim na taong naghari siya sa Tirsa.
24At binili niya ang burol ng Samaria mula kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak. Siya'y nagtayo ng kuta sa burol at tinawag ang pangalan ng lunsod na kanyang itinayo na Samaria, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol.
25Gumawa si Omri ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at gumawa ng mas masama kaysa lahat ng nauna sa kanya.
26Sapagkat siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa kanyang mga kasalanan na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
27Ang iba pa sa mga gawa ni Omri na kanyang ginawa, at ang kapangyarihang kanyang ipinamalas, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan#16:27 o Cronica. ng mga hari ng Israel?
28Natulog si Omri na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Samaria. Si Ahab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Ahab ay Naghari sa Israel
29Nang ikatatlumpu't walong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Ahab na anak ni Omri na maghari sa Israel. At si Ahab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria nang dalawampu't dalawang taon.
30Si Ahab na anak ni Omri ay gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon nang higit kaysa lahat ng nauna sa kanya.
31Waring isang magaang bagay para sa kanya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, siya'y nag-asawa kay Jezebel, na anak ni Et-baal na hari ng mga Sidonio, at siya'y humayo at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kanya.
32Kanyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal, na kanyang itinayo sa Samaria.
33At gumawa si Ahab ng sagradong poste#16:33 o Ashera.. Gumawa pa ng higit si Ahab upang galitin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, kaysa lahat ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.
34Sa#Jos. 6:26 kanyang mga araw, itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Inilagay niya ang pundasyon niyon na ang katumbas ay buhay ni Abiram na kanyang panganay na anak. At itinayo niya ang mga pintuang-bayan niyon na ang katumbas ay ang buhay ng kanyang bunsong anak na si Segub, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
Kasalukuyang Napili:
I MGA HARI 16: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001