Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 12:1-14

I MGA HARI 12:1-14 ABTAG01

Si Rehoboam ay nagtungo sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay nagtungo sa Shekem upang gawin siyang hari. Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto pa, na doon siya'y tumakas mula sa harapan ni Haring Solomon), siya ay bumalik mula sa Ehipto. Sila'y nagsugo at kanilang ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong kapulungan ng Israel ay dumating, at nagsabi kay Rehoboam, “Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin. Ngayon ay pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang pamatok na iniatang niya sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.” At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo, at pagkaraan ng tatlong araw ay bumalik kayo sa akin.” Umalis nga ang taong-bayan. Pagkatapos si Haring Rehoboam ay humingi ng payo sa matatandang lalaki na tumayo sa harap ni Solomon na kanyang ama samantalang siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, “Anong payo ang maibibigay ninyo sa akin, upang isagot sa bayang ito?” At sinabi nila sa kanya, “Kung ikaw ay magiging lingkod sa bayang ito sa araw na ito at maglilingkod sa kanila, at magsasabi ng mabubuting salita kapag sinasagot mo sila, ay magiging mga lingkod mo nga sila magpakailanman.” Ngunit tinalikuran niya ang payo ng matatanda na kanilang ibinigay sa kanya, at humingi ng payo sa mga kabataang lalaking nagsilaking kasama niya na tumayo sa harap niya. At sinabi niya sa kanila, “Anong maipapayo ninyo na dapat nating isagot sa bayang ito, na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin’?” Ang kanyang mga kababata ay nagsabi sa kanya, “Ganito ang iyong sasabihin sa bayang ito na nagsabi sa iyo, ‘Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin, ngunit pagaanin mo sa amin.’ Ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay mas makapal kaysa mga balakang ng aking ama. At yaman ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, ay aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo; ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.’” Kaya't naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Rehoboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.” Mabagsik na sinagot ng hari ang mga tao at tinalikuran ang payo na ibinigay sa kanya ng matatanda. At nagsalita siya sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan na nagsasabi, “Pinabigat ng aking ama ang inyong pasanin, ngunit pabibigatan ko pa ang inyong pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.”