Ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalaki at matapang, at nang nakita ni Solomon na masipag ang kabataan, kanyang ipinagkatiwala sa kanya ang lahat ng sapilitang gawain ng sambahayan ni Jose.
Nang panahong iyon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, nakasalubong niya sa daan si propeta Ahias na Shilonita. Si Ahias noon ay may suot na bagong kasuotan; at silang dalawa lamang ang tao sa parang.
Hinubad ni Ahias ang bagong kasuotan niya, at pinagpunit-punit ng labindalawang piraso.
At kanyang sinabi kay Jeroboam, “Kunin mo para sa iyo ang sampung piraso, sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, ‘Aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Solomon, at ibibigay ko ang sampung lipi sa iyo.
Ang isang lipi ay mananatili sa kanya alang-alang sa aking lingkod na si David at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili sa lahat ng mga lipi ng Israel.
Ito ay sapagkat kanilang tinalikuran ako, at sinamba si Astarte na diyosa ng mga Sidonio, si Cemos na diyos ng Moab, at si Malcam na diyos ng mga anak ni Ammon. Sila'y hindi lumakad sa aking mga daan upang gawin ang matuwid sa aking paningin, at upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga batas, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.
Gayunma'y hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kanyang kamay, kundi gagawin ko siyang pinuno sa lahat ng araw ng kanyang buhay, alang-alang kay David na aking lingkod na aking pinili, sapagkat kanyang tinupad ang aking mga utos at mga tuntunin.
Ngunit aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kanyang anak at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi.
Sa kanyang anak ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailanman sa harap ko sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili upang ilagay ang aking pangalan doon.
Kukunin kita at ikaw ay maghahari ayon sa buong ninanasa ng iyong kaluluwa, at magiging hari ka sa Israel.
Kung iyong diringgin ang lahat ng aking iniuutos sa iyo, at lalakad sa aking mga daan, at gagawin ang matuwid sa aking paningin, upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod; sasamahan kita at ipagtatayo kita ng isang panatag na sambahayan, gaya ng aking itinayo para kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel.
Dahil dito'y aking pahihirapan ang binhi ni David, ngunit hindi magpakailanman.’”
Pinagsikapan ni Solomon na patayin si Jeroboam, ngunit si Jeroboam ay tumindig, at tumakas patungo sa Ehipto, kay Shishac, na hari ng Ehipto, at tumira sa Ehipto hanggang sa pagkamatay ni Solomon.
Ngayon, ang iba sa mga gawa ni Solomon, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang karunungan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon?
At ang panahon na naghari si Solomon sa Jerusalem sa buong Israel ay apatnapung taon.
At natulog si Solomon na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Rehoboam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.