Hindi ba ako'y malaya? Hindi ba ako'y isang apostol? Hindi ba nakita ko si Jesus na Panginoon natin? Hindi ba kayo'y bunga ng paggawa ko sa Panginoon?
Kung sa iba'y hindi ako apostol, sa inyo man lamang ay gayon ako; sapagkat kayo ang tatak ng aking pagka-apostol sa Panginoon.
Ito ang aking pagtatanggol sa mga sumusuri sa akin.
Wala ba kaming karapatang kumain at uminom?
Wala ba kaming karapatan na magsama ng isang asawa gaya ng ibang mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas?
O ako lamang ba at si Bernabe ang walang karapatang huminto sa paghahanap-buhay?
Sino ang naglilingkod bilang isang kawal sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim ng ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? Sino ang nag-aalaga sa kawan, at hindi umiinom ng gatas ng kawan?
Ang mga bagay na ito ay sinasabi ko hindi ayon sa pananaw ng mga tao. Hindi ba't ganito rin ang sinasabi ng kautusan?
Sapagkat nakasulat sa kautusan ni Moises, “Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik.” Ang mga baka ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos?
Hindi ba't siya ay nagsasalita para sa ating kapakanan? Ito ay nasulat para sa atin, sapagkat ang nag-aararo ay dapat mag-araro na may pag-asa, at ang gumigiik ay gumiik na may pag-asa na magkakaroon ng bahagi.
Kung kami ay nakapaghasik sa inyo ng mga bagay na espirituwal, kalabisan ba na aming anihin ang inyong mga bagay na materyal?
Kung ang iba ay mayroong ganitong karapatan sa inyo, hindi ba higit pa kami? Gayunma'y hindi namin ginamit ang karapatang ito, kundi tinitiis namin ang lahat ng mga bagay, upang huwag kaming makahadlang sa ebanghelyo ni Cristo.
Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga gumagawa ng paglilingkod sa templo ay kumakain ng mga bagay na mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay mga kabahagi ng mga handog sa dambana?
Gayundin naman, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay dapat kumuha ng kanilang ikabubuhay mula sa ebanghelyo.
Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko sinusulat ang mga bagay na ito upang gayon ang mangyari sa akin. Sapagkat mabuti pa sa akin ang mamatay, kaysa pawalang-saysay ng sinuman ang aking pagmamalaki!
Sapagkat kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo, ay wala akong dahilan upang magmalaki, sapagkat ang katungkulan ay iniatang sa akin. Kahabag-habag ako kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo!
Sapagkat kung ito'y gawin ko nang maluwag sa kalooban, ay may gantimpala ako. Ngunit kung hindi maluwag sa kalooban, isang pangangasiwa ang ipinagkatiwala sa akin.
Ano kung gayon ang aking gantimpala? Ito lamang: na sa aking pangangaral, ang ebanghelyo ay ginawa kong walang bayad, upang hindi ko magamit ng lubusan ang aking karapatan sa ebanghelyo.
Sapagkat bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, ay nagpaalipin ako sa lahat, upang higit na marami ang aking mahikayat.
Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng kautusan upang aking mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan.
Sa mga nasa labas ng kautusan, ako ay naging tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako malaya mula sa kautusan sa Diyos kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng kautusan.
Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay makapagligtas ako ng ilan.
Ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa ebanghelyo, upang ako'y magkaroon ng bahagi sa mga pagpapala nito.
Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga tumatakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa gayong paraan upang iyon ay inyong mapagwagian.
Ang bawat nakikipaglaban sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng mga bagay; ginagawa nila iyon upang sila ay makatanggap ng isang korona na may pagkasira, ngunit tayo'y sa walang pagkasira.
Kaya't ako'y tumatakbo na hindi gaya ng walang katiyakan; hindi ako sumusuntok na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin.
Ngunit sinusupil ko ang aking katawan, at ginagawa itong alipin, upang pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi itakuwil.