I MGA TAGA-CORINTO 8
8
Tungkol sa mga Pagkaing Inihain sa Diyus-diyosan
1Ngayon, tungkol sa mga pagkaing inihain sa mga diyus-diyosan: nalalaman natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.
2Kung ang sinuman ay nag-aakala na siya'y may nalalamang anuman, hindi pa niya nalalaman ang nararapat niyang malaman;
3subalit kung ang sinuman ay nagmamahal sa Diyos, ang taong ito ay kilala niya.
4Kaya, tungkol sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, nalalaman natin na ang diyus-diyosan ay walang kabuluhan sa sanlibutan, at walang Diyos liban sa iisa.
5Sapagkat bagaman mayroong mga tinatawag na mga diyos, maging sa langit o sa lupa, gaya nang pagkakaroon ng maraming mga “diyos” at maraming mga “panginoon,”
6ngunit sa ganang atin ay may isang Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa kanya, at may isang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya.
7Gayunman, hindi lahat ng mga tao ay nagtataglay ng kaalamang ito. Subalit ang ilan na hanggang ngayon ay namihasa sa diyus-diyosan, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diyus-diyosan, at ang kanilang budhi, palibhasa'y mahina, ay nadudungisan.
8Subalit ang pagkain ay hindi maglalapit sa atin sa Diyos. Hindi tayo nagkukulang kung tayo'y hindi kumain, at hindi tayo higit na mabuti kung tayo'y kumain.
9Subalit mag-ingat kayo, baka ang kalayaan ninyong ito ay maging katitisuran sa mahihina.
10Sapagkat kapag nakita ka ng iba na nakikisalo sa pagkain sa templo ng diyus-diyosan, ikaw na nagtataglay ng kaalaman, hindi kaya sila maganyak na kumain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, yamang mahina ang kanilang budhi?
11Kaya't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kanya'y namatay si Cristo.
12Kaya't sa pagkakasala laban sa mga kapatid, at sa pagsugat sa kanilang mahinang budhi, ay nagkakasala kayo laban kay Cristo.
13Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailanman ay hindi ako kakain ng karne, upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid.
Kasalukuyang Napili:
I MGA TAGA-CORINTO 8: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001