Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA TAGA-CORINTO 7:20-40

I MGA TAGA-CORINTO 7:20-40 ABTAG01

Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin. Ikaw ba ay alipin nang ikaw ay tawagin? Huwag kang mag-alala. Subalit kung magagawa mong maging malaya, samantalahin mo ang pagkakataon. Sapagkat ang tinawag sa Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, gayundin ang tinawag nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo. Kayo'y binili sa halaga, huwag kayong maging mga alipin ng mga tao. Kaya, mga kapatid, hayaang ang bawat isa'y manatili sa kalagayan nang siya'y tawagin ng Diyos. Ngayon, tungkol sa mga dalaga ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit ibinibigay ko ang aking kuru-kuro bilang isa na sa pamamagitan ng habag ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan. Sa palagay ko, dahil sa kasalukuyang kagipitan, makakabuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. Nakatali ka ba sa asawa? Huwag mong sikaping mahiwalay. Ikaw ba ay malaya sa asawa? Huwag kang humanap ng asawa. Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, ay hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, ay hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga tulad nila ay magkakaroon ng kahirapan sa buhay na ito at sinisikap ko lamang na iligtas kayo. Mga kapatid, ang ibig kong sabihin ay maigsi na ang panahon. Mula ngayon, ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa walang asawa; at ang mga umiiyak ay maging tulad sa mga hindi umiiyak, at ang nagagalak ay maging tulad sa hindi nagagalak; at ang mga bumibili ay maging tulad sa mga walang pag-aari, at ang mga may pakikitungo sa sanlibutan, ay maging parang walang pakikitungo rito, sapagkat ang kasalukuyang anyo ng sanlibutang ito ay lumilipas. Nais kong maging malaya kayo sa pagkabalisa. Ang walang asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon; ngunit ang may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa, at ang kanyang pansin ay nahahati. Ang babaing walang asawa at ang dalaga ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa. Sinasabi ko ito ngayon para sa inyong ikabubuti, hindi upang lagyan ko kayo ng silo, kundi kung ano ang nararapat at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal. Ngunit kung ang sinuman ay nag-iisip na hindi siya kumikilos ng nararapat sa kanyang nobya na sumapit na sa kanyang hustong gulang, ay hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—hindi ito kasalanan. Subalit sinumang nananatiling matibay sa kanyang puso, na hindi naman nangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling pagnanais at ipinasiya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang nobya, ay mabuti ang kanyang ginagawa. Kaya't ang magpakasal sa kanyang nobya ay gumagawa ng mabuti at ang umiiwas mag-asawa ay gumagawa ng higit na mabuti. Ang babaing may asawa ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siyang makakapag-asawa sa kanino mang ibig niya, lamang ay sa Panginoon. Ngunit batay sa aking kuru-kuro, siya ay higit na maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. At iniisip ko rin naman na ako'y may Espiritu ng Diyos.