Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA TAGA-CORINTO 6:9-20

I MGA TAGA-CORINTO 6:9-20 ABTAG01

Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga masasamang tao ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga mapakiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga mangangalunya, mga binabae, mga nakikiapid sa kapwa lalaki, mga magnanakaw, masasakim, mga maglalasing, mga mapagmura, o ang mga manggagantso ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At ganyan ang mga ilan sa inyo noon. Subalit nahugasan na kayo, ginawa na kayong banal, at inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at sa Espiritu ng ating Diyos. “Ang lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid;” ngunit hindi lahat ng mga bagay ay makakatulong. “Ang lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid,” ngunit hindi ako paaalipin sa anuman. “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ito at ang mga iyon ay wawasakin ng Diyos. Gayunman ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan. At binuhay ng Diyos ang Panginoon at bubuhayin din tayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay mga sangkap ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga sangkap ni Cristo at gagawin kong mga sangkap ng isang masamang babae? Huwag nawang mangyari. Hindi ba ninyo nalalaman na ang nakikisama sa masamang babae ay nagiging iisang katawan na kasama niya? Sapagkat sinasabi, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” Ngunit siya na nakikisama sa Panginoon ay nagiging iisang espiritu na kasama niya. Umiwas kayo sa pakikiapid. Bawat kasalanang maaaring gawin ng tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan. O hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo mula sa Diyos, at kayo ay hindi sa inyong sarili? Sapagkat kayo'y binili sa isang halaga, kaya't luwalhatiin ninyo ng inyong katawan ang Diyos.