Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA TAGA-CORINTO 12:4-31

I MGA TAGA-CORINTO 12:4-31 ABTAG01

May iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu. At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon. May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat. Subalit sa bawat isa ay ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan ng lahat. Sa isa ay ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu, sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu. Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika. Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu. Sapagkat kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo. Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. Sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi, kundi marami. Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan. At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan. Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy. Subalit ngayon ay inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya. At kung ang lahat ay isang bahagi, saan naroroon ang katawan? Subalit ngayon ay maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan. Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na wari'y mahihina ay kailangan. Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan, at ang mga kahiyahiyang bahagi natin ay siyang lalong pinararangalan, na ito ay hindi kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit binuo ng Diyos ang katawan at binigyan ng higit na kapurihan ang bahaging may kakulangan; upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa't isa. Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi. Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa'y mga bahagi. At ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga gumagawa ng himala, saka mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang uri ng wika. Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala? Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng mga wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag? Subalit pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang mga kaloob. At ipapakita ko sa inyo ang isang daan na walang kahambing.