Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA TAGA-CORINTO 1:13-31

I MGA TAGA-CORINTO 1:13-31 ABTAG01

Si Cristo ba ay nahati? Si Pablo ba ay ipinako sa krus dahil sa inyo? O kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo? Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na hindi ko binautismuhan ang sinuman sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo; baka masabi ng sinuman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko. Binautismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila, hindi ko alam kung ako ay may binautismuhan pang iba. Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang magandang balita, hindi sa pamamagitan ng mahusay na pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan. Sapagkat ang salita ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit sa atin na inililigtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Aking wawasakin ang karunungan ng marurunong, at ang pang-unawa ng mga matatalino ay aking bibiguin.” Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang bihasang makipagtalo ng panahong ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan? Sapagkat yamang sa karunungan ng Diyos ay hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos sa pamamagitan ng karunungan nito, ay kinalugdan ng Diyos na iligtas ang mga sumasampalataya sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral. Sapagkat ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda, at ang mga Griyego ay humahanap ng karunungan, subalit ipinangangaral namin ang Cristo na ipinako sa krus, na isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan sa mga Hentil, ngunit sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos. Sapagkat ang kahangalan ng Diyos ay higit na matalino kaysa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit na malakas kaysa mga tao. Sapagkat tingnan ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid: kakaunti sa inyo ang matatalino ayon sa pamantayan ng tao, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang isinilang na marangal. Kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang matatalino. Pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang malalakas. Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at hinahamak sa sanlibutan, maging ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahahalaga, upang walang sinuman ang magmalaki sa harapan ng Diyos. Subalit kayo ay na kay Cristo Jesus, na naging karunungan para sa atin mula sa Diyos, at katuwiran at kabanalan, at katubusan, upang ayon sa nasusulat, “Ang nagmamalaki ay ipagmalaki ang Panginoon.”