Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA CRONICA 29:10-19

I MGA CRONICA 29:10-19 ABTAG01

Kaya't pinuri ni David ang PANGINOON sa harap ng buong kapulungan at sinabi ni David, “Purihin ka, O PANGINOON, ang Diyos ni Israel na aming ama, magpakailan kailanman. Iyo, O PANGINOON, ang kadakilaan, kapangyarihan, kaluwalhatian, pagtatagumpay, at karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa; iyo ang kaharian, O PANGINOON, at ikaw ay mataas na pinuno sa lahat. Ang mga kayamanan at gayundin ang karangalan ay nagmumula sa iyo, at ikaw ang namumuno sa lahat. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan, kalakasan, pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat. At ngayon, aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan. “Ngunit sino ba ako, at ano ang aking bayan, na kusang makapaghahandog sa ganitong paraan? Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa iyo, at ang sa iyo ang aming ibinigay sa iyo. Sapagkat kami ay mga dayuhan at manlalakbay sa harap mo, gaya ng lahat ng aming mga ninuno; ang aming mga araw sa lupa ay gaya ng anino, at hindi magtatagal. O PANGINOON naming Diyos, lahat ng kasaganaang ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nagmumula sa iyong kamay, at lahat ay sa iyo lamang. Alam ko rin, aking Diyos, na iyong sinisiyasat ang puso, at nalulugod ka sa katuwiran. Sa katuwiran ng aking puso ay aking kusang-loob na inihandog ang lahat ng bagay na ito, at ngayo'y nakita ko ang iyong bayan na naririto, kusang-loob at may kagalakang naghahandog sa iyo. O PANGINOON, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga ninuno, ingatan mo nawa magpakailanman ang mga gayong layunin at mga pag-iisip ng puso ng iyong bayan, at ituon mo ang kanilang puso sa iyo. Bigyan mo si Solomon na aking anak ng sakdal na puso, upang ingatan niya ang iyong mga utos, mga patotoo, mga batas, upang gawin ang lahat ng bagay na ito, at upang itayo niya ang templo, na siyang aking pinaghandaan.”