Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA CRONICA 29:1-20

I MGA CRONICA 29:1-20 ABTAG01

Sinabi ni Haring David sa buong kapulungan, “Si Solomon na aking anak na siya lamang pinili ng Diyos ay bata pa at walang sapat na karanasan, at ang gawain ay malaki; sapagkat ang templo ay hindi sa tao, kundi para sa PANGINOONG Diyos. Kaya't ako'y naghanda sa abot ng aking makakaya para sa bahay ng aking Diyos, ng ginto para sa mga bagay na ginto, pilak para sa mga bagay na pilak, tanso para sa mga bagay na tanso, bakal para sa mga bagay na bakal, kahoy para sa mga bagay na kahoy; bukod sa napakaraming batong onix, mga batong pangkalupkop, mga batong panggayak, batong may sari-saring kulay, at ng lahat ng uri ng mahahalagang bato, at mga batong marmol. Bukod dito, bilang karagdagan sa lahat ng aking ibinigay para sa bahay ng aking Diyos, may pag-aari akong ginto at pilak, at dahil sa aking pagmamalasakit sa bahay ng aking Diyos, ibinibigay ko ito sa banal na bahay: tatlong libong talentong ginto mula sa Ofir, at pitong libong talentong dalisay na pilak upang ibalot sa mga dingding ng gusali; ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at pilak na ukol sa mga bagay na pilak, at sa lahat ng sari-saring gawain na gagawin ng mga kamay ng mga manggagawa. Sino ngayon ang maghahandog nang kusa upang italaga ang sarili sa PANGINOON sa araw na ito?” Nang magkagayo'y nagbigay ng mga kusang-loob na handog ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, gayundin ang mga pinuno ng mga lipi ng Israel, at ang mga punong-kawal ng mga libu-libo at daan-daan, pati ang mga tagapamahala sa gawain ng hari. Nagbigay sila para sa paglilingkod sa bahay ng Diyos ng ginto, na limang libong talento, at sampung libong dariko ng ginto at sampung libong talentong pilak at labingwalong libong talentong tanso, at isandaang libong talentong bakal. Sinumang may mamahaling bato ay ibinigay ang mga ito sa kabang-yaman ng bahay ng PANGINOON, sa ilalim ng pag-iingat ni Jehiel na Gershonita. Pagkatapos ay nagalak ang bayan, sapagkat ang mga ito'y kusang-loob na naghandog, sapagkat sila'y may dalisay na puso na kusang naghandog sa PANGINOON at si Haring David ay labis na nagalak. Kaya't pinuri ni David ang PANGINOON sa harap ng buong kapulungan at sinabi ni David, “Purihin ka, O PANGINOON, ang Diyos ni Israel na aming ama, magpakailan kailanman. Iyo, O PANGINOON, ang kadakilaan, kapangyarihan, kaluwalhatian, pagtatagumpay, at karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa; iyo ang kaharian, O PANGINOON, at ikaw ay mataas na pinuno sa lahat. Ang mga kayamanan at gayundin ang karangalan ay nagmumula sa iyo, at ikaw ang namumuno sa lahat. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan, kalakasan, pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat. At ngayon, aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan. “Ngunit sino ba ako, at ano ang aking bayan, na kusang makapaghahandog sa ganitong paraan? Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa iyo, at ang sa iyo ang aming ibinigay sa iyo. Sapagkat kami ay mga dayuhan at manlalakbay sa harap mo, gaya ng lahat ng aming mga ninuno; ang aming mga araw sa lupa ay gaya ng anino, at hindi magtatagal. O PANGINOON naming Diyos, lahat ng kasaganaang ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nagmumula sa iyong kamay, at lahat ay sa iyo lamang. Alam ko rin, aking Diyos, na iyong sinisiyasat ang puso, at nalulugod ka sa katuwiran. Sa katuwiran ng aking puso ay aking kusang-loob na inihandog ang lahat ng bagay na ito, at ngayo'y nakita ko ang iyong bayan na naririto, kusang-loob at may kagalakang naghahandog sa iyo. O PANGINOON, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga ninuno, ingatan mo nawa magpakailanman ang mga gayong layunin at mga pag-iisip ng puso ng iyong bayan, at ituon mo ang kanilang puso sa iyo. Bigyan mo si Solomon na aking anak ng sakdal na puso, upang ingatan niya ang iyong mga utos, mga patotoo, mga batas, upang gawin ang lahat ng bagay na ito, at upang itayo niya ang templo, na siyang aking pinaghandaan.” Sinabi ni David sa buong kapulungan, “Ngayo'y purihin ninyo ang PANGINOON ninyong Diyos.” Ang buong kapulungan ay nagpuri sa PANGINOON, sa Diyos ng kanilang mga ninuno; iniyukod ang kanilang mga ulo, sumamba sa PANGINOON, at nagbigay-galang sa hari.