Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA CRONICA 22

22
Ang Habilin ni David kay Solomon
1Pagkatapos ay sinabi ni David, “Dito itatayo ang bahay ng Panginoong Diyos, at dito ang dambana ng handog na sinusunog para sa Israel.”
2Iniutos ni David na tipunin ang mga dayuhang nasa lupain ng Israel at siya'y naglagay ng mga kantero upang magtapyas ng bato para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos.
3Naglaan din si David ng napakaraming bakal bilang pako sa mga pinto ng mga tarangkahan at sa mga dugtungan, at ng tanso na hindi na matimbang sa dami,
4at ng mga troso ng sedro na di mabilang, sapagkat ang mga Sidonio at ang mga taga-Tiro ay nagdala kay David ng napakaraming puno ng sedro.
5Sapagkat sinabi ni David, “Si Solomon na aking anak ay bata pa at wala pang karanasan, at ang bahay na itatayo para sa Panginoon ay kailangang maging kahanga-hanga, bantog at maluwalhati sa buong lupain. Ako'y maghahanda para doon.” Kaya't naghanda si David ng maraming kagamitan bago sumapit ang kanyang kamatayan.
6Pagkatapos ay ipinatawag niya si Solomon na kanyang anak, at inatasan niyang magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
7Sinabi#2 Sam. 7:1-16; 1 Cro. 17:1-14 ni David kay Solomon na kanyang anak, “Sa ganang akin, nasa aking puso ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos.
8Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi, ‘Ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo at nagsagawa ng malalaking pakikidigma. Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan sapagkat ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin.
9Narito, ipapanganak para sa iyo ang isang lalaki; siya ay magiging isang mapayapang tao. Bibigyan ko siya ng kapayapaan sa lahat ng kanyang mga kaaway sa palibot, sapagkat ang kanyang magiging pangalan ay Solomon,#22:9 Sa Hebreo ay Shelomoh. at bibigyan ko ng kapayapaan#22:9 Sa Hebreo ay shalom. at katahimikan ang Israel sa kanyang mga araw.
10Siya ay magtatayo ng bahay para sa aking pangalan. Siya'y magiging aking anak, at ako'y magiging kanyang ama; at itatatag ko ang trono ng kanyang kaharian sa Israel magpakailanman.’
11Ngayon, anak ko, sumaiyo ang Panginoon, upang magtagumpay ka sa iyong pagtatayo ng bahay ng Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi tungkol sa iyo.
12Pagkalooban ka lamang ng Panginoon ng dunong at pang-unawa, upang kapag ipinagkatiwala na niya sa iyo ang Israel ay matupad mo ang kautusan ng Panginoon mong Diyos.
13Kung#Jos. 1:6-9 magkagayo'y magtatagumpay ka kung maingat mong susundin ang mga tuntunin at ang mga batas na ipinag-utos ng Panginoon kay Moises para sa Israel. Magpakalakas ka at magpakatapang; huwag kang matakot o manlupaypay man.
14Pinagsikapan kong lubos na ipaghanda ang bahay ng Panginoon ng isandaang libong talentong ginto, isang milyong talentong pilak at ng tanso at bakal na hindi na matimbang sa dami. Naghanda rin ako ng kahoy at bato. Dagdagan mo pa ang mga ito.
15Bukod dito'y may kasama kang maraming manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at napakaraming uri ng mga manggagawa na bihasa sa iba't ibang uri ng trabaho
16sa ginto, sa pilak, sa tanso, at sa bakal, na hindi mabilang. Bumangon ka at gawin mo na. Sumaiyo nawa ang Panginoon.”
17Iniutos din ni David sa lahat ng pinuno ng Israel na tulungan si Solomon na kanyang anak, na sinasabi,
18“Hindi ba't ang Panginoon ninyong Diyos ay sumasainyo? Hindi ba't binigyan niya kayo ng kapahingahan sa lahat ng dako? Sapagkat kanyang ibinigay sa aking kamay ang mga naninirahan sa lupain; at ang lupain ay napasuko sa harap ng Panginoon at sa harap ng kanyang bayan.
19Ngayo'y inyong ilagak ang inyong puso at pag-iisip upang hanapin ang Panginoon ninyong Diyos. Humayo kayo at itayo ninyo ang santuwaryo ng Panginoong Diyos, upang ang kaban ng tipan ng Panginoon at ang mga banal na kagamitan ng Diyos ay madala sa loob ng bahay na itatayo para sa pangalan ng Panginoon.”

Kasalukuyang Napili:

I MGA CRONICA 22: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in