Sumangguni si David sa mga pinunong-kawal ng mga libu-libo, at mga daan-daan, at sa bawat pinuno. Sinabi ni David sa buong kapulungan ng Israel, “Kung inaakala ninyong mabuti at kung kalooban ng PANGINOON nating Diyos, ay ipatawag natin ang ating mga kapatid na nananatili sa buong lupain ng Israel, kabilang ang mga pari at mga Levita sa kanilang mga bayan na may mga pastulan, upang sila'y sama-samang pumarito sa atin. Pagkatapos ay muli nating dalhin ang kaban ng ating Diyos sa atin, sapagkat ito'y kinaligtaan natin sa mga araw ni Saul.” At ang buong kapulungan ay sumang-ayon na kanilang gawin ang gayon, sapagkat iyon ay matuwid sa paningin ng buong bayan. Kaya't tinipon ni David ang buong Israel mula sa Sihor ng Ehipto hanggang sa pasukan sa Hamat, upang dalhin ang kaban ng Diyos mula sa Kiryat-jearim. At si David at ang buong Israel ay umahon sa Baala, samakatuwid ay sa Kiryat-jearim na sakop ng Juda, upang dalhin mula roon ang kaban ng Diyos, tinatawag ayon sa pangalan ng PANGINOON na nakaupo sa ibabaw ng kerubin. Kanilang dinala ang kaban ng Diyos na nakasakay sa isang bagong kariton mula sa bahay ni Abinadab. Sina Uzah at Ahio ang nagpapatakbo ng kariton. At si David at ang buong Israel ay nagkakasayahan sa harapan ng Diyos nang buong lakas nila, na may mga awit, mga alpa, mga lira, mga tamburin, mga pompiyang, at mga trumpeta. Nang sila'y dumating sa giikan ng Kidon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay upang hawakan ang kaban, sapagkat natisod ang mga baka. At ang galit ng PANGINOON ay nagningas laban kay Uzah, at siya'y kanyang sinaktan sapagkat siya'y humawak sa kaban, at doo'y namatay siya sa harapan ng Diyos. Kaya't sumama ang loob ni David sapagkat nagalit ang PANGINOON kay Uzah, at kanyang tinawag ang dakong iyon na Perez-uza hanggang sa araw na ito. At si David ay natakot sa Diyos nang araw na iyon, na nagsasabi, “Paano ko maiuuwi ang kaban ng Diyos?”
Basahin I MGA CRONICA 13
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: I MGA CRONICA 13:1-12
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas