Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA CRONICA 11

11
Si David ay Ginawang Hari ng Buong Israel
(2 Sam. 5:1-10)
1Nang magkagayon, ang buong Israel ay sama-samang nagtipon kay David sa Hebron, at sinabi, “Kami ay iyong buto at laman.
2Nang mga panahong nakaraan, maging noong hari pa si Saul, ikaw ang pumapatnubay at namumuno#11:2 Sa Hebreo ay naglalabas at nagpapasok. sa Israel, at sinabi sa iyo ng Panginoon mong Diyos, ‘Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel, at ikaw ay magiging pinuno ng aking bayang Israel.’”
3Kaya't lahat ng matatanda sa Israel ay pumunta sa hari na nasa Hebron. Si David ay gumawa ng tipan sa kanila sa Hebron sa harapan ng Panginoon, at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel, ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.
Sinakop ni David ang Zion
4Si#Jos. 15:63; Huk. 1:21 David at ang buong Israel ay pumunta sa Jerusalem na siyang Jebus, na kinaroroonan ng mga Jebuseo, ang mga naninirahan sa lupain.
5At sinabi ng mga naninirahan sa Jebus kay David, “Ikaw ay hindi makakapasok dito.” Gayunma'y sinakop ni David ang muog ng Zion na ngayo'y lunsod ni David.
6Sinabi ni David, “Sinumang unang sumalakay sa mga Jebuseo ay magiging pinuno at kapitan.” Si Joab na anak ni Zeruia ay unang umahon kaya't siya'y naging pinuno.
7At si David ay nanirahan sa muog kaya't kanilang tinawag iyon na lunsod ni David.
8Kanyang itinayo ang bayan sa palibot mula sa Milo hanggang sa palibot, at inayos ni Joab ang ibang bahagi ng lunsod.
9Si David ay patuloy na naging dakila sapagkat ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama niya.
Ang Magigiting na Mandirigma ni David
(2 Sam. 23:8-39)
10Ang mga ito ang mga pinuno ng magigiting na mandirigma ni David na tumulong sa kanya sa kanyang kaharian, kasama ng buong Israel, upang gawin siyang hari, ayon sa salita ng Panginoon tungkol sa Israel.
11Ito ang bilang ng magigiting na mandirigma ni David: si Jasobeam, anak ng isang Hacmonita, na pinuno ng tatlumpu.#11:11 Sa ibang mga kasulatan ay tatlo. Siya ang nagtaas ng kanyang sibat laban sa tatlong daan, at kanyang pinatay sila nang minsanan.
12Kasunod niya ay si Eleazar na anak ni Dodo na Ahohita, isa sa tatlong magigiting na lalaki.
13Siya'y kasama ni David sa Pasdamin nang ang mga Filisteo ay nagtipon upang lumaban. Mayroong kapirasong lupain na puno ng sebada, at ang mga lalaki ay tumakas sa mga Filisteo.
14Ngunit sila'y tumayo sa gitna ng lupain at ipinagtanggol ito at pinatay ang mga Filisteo; at iniligtas sila ng Panginoon sa pamamagitan ng isang malaking tagumpay.
15Tatlo sa tatlumpung pinuno ang bumaba kay David sa malaking bato sa loob ng yungib ng Adullam, nang ang hukbo ng mga Filisteo ay nakahimpil sa libis ng Refaim.
16Noon, si David ay nasa muog, at ang pulutong ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem.
17At sinabi ni David na may pananabik, “O may magbigay sana sa akin ng tubig na maiinom mula sa balon ng Bethlehem na nasa tabi ng pintuang-bayan!”
18At ang tatlo ay pumasok sa kampo ng mga Filisteo, at sumalok ng tubig sa balon ng Bethlehem na nasa tabi ng pintuang-bayan, at kinuha at dinala kay David. Ngunit ayaw ni David na inumin iyon, kundi ibinuhos ito sa Panginoon,
19at sinabi, “Huwag itulot sa akin ng aking Diyos na aking gawin ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito? Sapagkat kanilang inilagay sa panganib ang kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya't hindi niya mainom iyon. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong mandirigma.
20At si Abisai na kapatid ni Joab, ay pinuno ng tatlumpu. Kanyang itinaas ang kanyang sibat laban sa tatlong daan at sila'y kanyang pinatay, at nagkaroon ng pangalan kasama ng tatlo.
21Sa tatlo, siya'y lalong marangal kaysa dalawa, at ginawang kanilang pinunong-kawal: gayon ma'y hindi siya napasama sa tatlo.
22Si Benaya na anak ni Jehoiada ay isang matapang na lalaki ng Kabzeel na gumawa ng mga dakilang gawa. Kanyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga-Moab. Siya'y bumaba rin at pumatay ng isang leon sa isang hukay nang araw na bumagsak na ang yelo.
23Siya'y pumatay ng isang Ehipcio na isang lalaking matipuno na may limang siko ang taas. Sa kamay ng Ehipcio ay may isang sibat na gaya ng panghabi ng manghahabi; ngunit si Benaya ay bumaba sa kanya na may tungkod at inagaw ang sibat sa kamay ng Ehipcio, at kanyang pinatay siya ng kanyang sariling sibat.
24Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaya na anak ni Jehoiada, at siya ay naging tanyag tulad ng tatlong mandirigma.
25Siya'y kilala sa tatlumpu, ngunit hindi siya napasama sa tatlo, at ginawa siya ni David na pinuno ng mga tanod.
26Ang mga mandirigma sa mga hukbo ay sina Asahel na kapatid ni Joab, si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem;
27si Samoth na Arorita, si Heles na Pelonita;
28si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa, si Abiezer na taga-Anatot;
29si Shibecai na Husatita, si Ilai na Ahohita;
30si Maharai na taga-Netofa, si Heled na anak ni Baana na taga-Netofa;
31si Ithai na anak ni Ribai na taga-Gibea, sa mga anak ni Benjamin, si Benaya na taga-Piraton;
32si Hurai sa mga batis ng Gaas, si Abiel na Arbatita;
33si Azmavet na Baharumita, si Eliaba na Saalbonita;
34ang mga anak ni Asem na Gizonita, si Jonathan na anak ni Saje na Hararita;
35si Ahiam na anak ni Sacar, na Hararita, si Elifal na anak ni Ur;
36si Hefer na Meceratita, si Ahia na Felonita;
37si Hesro na Carmelita, si Nahari na anak ni Ezbai;
38si Joel na kapatid ni Natan, si Mibhar na anak ni Agrai,
39si Selec na Ammonita, si Naarai na Berotita, na tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Zeruia;
40si Ira na Itreo, si Gareb na Itreo;
41si Urias na Heteo, si Zabad na anak ni Ahli;
42si Adina na anak ni Siza na Rubenita, na pinuno ng mga Rubenita, at tatlumpu ang kasama niya;
43si Hanan na anak ni Maaca, at si Joshafat na Mitnita;
44si Uzia na Astarotita, si Samma at si Jehiel na mga anak ni Hotam na Harorita;
45si Jediael na anak ni Simri; at si Joha na kanyang kapatid, na Tisaita;
46si Eliel na Mahavita, at si Jeribai, at si Josabias na mga anak ni Elnaam, at si Itma na Moabita;
47si Eliel, si Obed, si Jaasiel, na Mesobiata.

Kasalukuyang Napili:

I MGA CRONICA 11: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in